Suplay ng abono sa bansa, kukulangin
Iniulat ng Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) noong Pebrero 7 na 415,000 kilo ng abono ang nasira dulot ng bagyong Odette na tumama sa bansa noong Disyembre 2022. Magdudulot ito ng kakulangan sa suplay sa apektadong mga prubinsya na inaasahang magreresulta sa mas mababang ani ngayong taon.
Tinataya ng FPA na ₱12.96 milyon ang nasirang abono. Kabilang sa nawasak ang mga suplay ng ammonium sulphate (₱2.79 milyon), complete (₱2.79 milyon), muriate of potash (₱3.91 milyon), at urea (₱1.64 milyon).
Tinamaan ng bagyo ang mga imbakan ng abono sa limang rehiyon sa Visayas at Mindanao. Pinakamarami ang nasira sa Surigao del Norte (8,312 bag o 224,600 kilo na imbak ng Cardinal Farm Supply), Cebu (2,547 bag o 127,350 ng Atlas Fertilizer Company), at Negros Occidental (1,031 o 15,550 ng Falcor Marketing Corporation).
Sa pag-aaral ng FPA, natuklasan na kukulangin ang abono sa Palawan, Negros Occidental, Cebu, Bohol, Leyte, Southern Leyte at Surigao del Norte. Sa kalkulasyon nito, kakailanganin ng naturang mga prubinsya ng 3 milyong bag (50 kilo) ng abono, gayong nasa 947,624 50-kilong bag na lamang ang suplay sa mga ito. Batay ito sa inirerekomendang bolyum ng abono na gagamitin kada klase ng pananim at kasalukuyang bolyum ng imbak na abono sa mga prubinsya noong huling linggo ng Enero.
Dahil walang nagsasariling industriya sa pagmamanupaktura ng abono ang Pilipinas, wala itong kapasidad na agapan ang mga kakulangan. Imbes na magpaunlad ng sariling produksyon ng abono, isinasangkalan ngayon ng FPA ang kakulangan ng suplay para ibayo pang itulak ang pag-aangkat ng mamahaling mga abono. Pangunahing nag-iimport ang bansa ng abono mula sa China.
Bago pa man manalasa ang Odette, dati nang kinahaharap ng lokal na mga magsasaka ang kakulangan ng abono ginagamit sa kanilang mga sakahan dahil sa napakataas na presyo ng imported na abono. Sa abereyds, gumagamit lamang sila ng 157 kilo kada ektarya kada taon. Lubhang napakababa nito kumpara sa 429.8 kilo sa kada ektarya sa Vietnam. Isa sa pinakamataas na gastos sa produksyon ang abono, kasama ng imported na pestisidyo.
Kumpara sa pandaigdigang presyo, napakamahal ng abono sa Pilipinas. Ang abereyds na presyo ng urea ay ₱1,030 kada 50-kilong sako noong nakaraang taon. Higit doble ito sa ₱505/sako na abereyds na pandaigdigang presyo. Ang presyo ng ibang pangunahing tipo ng abono kabilang ang complete NPK (₱1,072), ammonium sulfate (₱586), ammonium phosphate (₱961) at potassium (₱1,197) ay napakataas din kumpara sa pandaigdigang abereyds.
Kontrolado ng mga multinasyunal na korporasyong agrochemical ang pagpepresyo sa mga abono sa Pilipinas. Noong 2018, nag-angkat ang bansa ng kabuuang 2.37 milyon metriko toneladang (MT) abono na nagkakahalagang ₱34.76 bilyon. Katumbas nito ang 75% ng kabuuang suplay ng abono sa bansa (3.15 milyon MT) sa parehong taon.
Noong 2019, tumaas pa ito tungong 2.57 milyon MT (₱35.4 bilyon). Sa bolyum na ito, 40% (1 milyong MT na nagkakahalagang ₱13 bilyon) ang inangkat mula sa China. Malaking bolyum din ang inangkat mula sa ibang mga bansa sa Southeast Asia. Inaangkat ng Pilipinas ang kabuuang suplay nito ng urea dahil hindi ito pinoprodyus ng mga lokal na planta. Ito ang nakapagtala ng pinakamataas na bolyum (856,853 MT) ng inangkat na abono noong 2018 kasunod ng ammonium sulfate (496,716 MT).