Tagapagtanggol ng kalikasan, inaresto sa Laguna
Arbitraryong inaresto noong Hunyo 11 si Daisy Macapanpan, 68, sa Pakil, Laguna ng pinagsamang pwersa ng Philippine National Police (PNP) at Special Action Force (SAF). Makikita sa isang bidyo sa Facebook ang ginawang pagdakip kay Macapanpan matapos magbigay ng pahayag sa isang kilos-protestang dinaluhan niya kontra sa pagtatayo ng Ahunan Pumped-Storage Hydropower Project.
Isang kilalang environmental defender o tagapagtanggol ng kalikasan si Macapanpan, ayon sa Kalikasan PNE at Defend Southern Tagalog (ST). Hinimok ng mga grupong ito si Pakil Mayor Vicente Soriano na kundenahin ang pag-aresto, mag-utos ng pagsisiyasat sa insidente, at bawiin ang pag-aresto, sa dahilang may hurisdiksyon ang mayor sa pulis. Anila, kwestyunable ang ginamit na mandamyento de aresto, na base sa isang kaso ng rebelyon na isinampa noong pang 2008.
“Walang masamang magpahiwatig ng di pagsang-ayon at magpaliwanag ng upinyon kung bakit kailangang itigil ang Ahunan Hydropowerplant Project,” ayon kay Leon Dulce, pambansang koordineytor ng Kalikasan PNE. Layunin ng naturang mga talakayan na itaas ang kamalayan at diskurso tungkol sa proyekto. “Ang ginawang pagdakip ay malinaw na isang paghihiganti laban kay Macapanpan para sa paninindigan nito laban sa isang potensyal na mapanirang proyektong dam,” aniya.
Ang 1,400-megawatt pump-storage hydropowerplant ay tinatayang sasakop sa 299.4 ektaryang lupa sa mga barangay ng Baño, Burgos, Rizal at Taft sa Pakil. Ang planta ay itatayo sa Sierra Madre, isang lugar na may aktibong mga fault line at may panganib ng pagguho ng lupa. Dahil dito, nagpetisyon ang mga taga-Pakil laban sa pagtatayo ng naturang planta.
Ang pag-aresto kay Macapanpan ay bahagi ng crackdown laban sa mga tagapagtanggol ng kalikasan, ayon sa mga grupong environmentalist. Sa nakalipas na mga taon, ang mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao ay nag-ulat na marami sa kanila ang mayroong mga warrant of arrest kaugnay ng mga kaso matagal nang naganap o mula sa malalayong lugar na wala silang alam o kinalaman.
Hanggang sa mga huling araw, walang humpay ang rehimeng Duterte sa paniniil sa bayan. Nais nitong busalan at patahimikin ang paglaban ng mamamayan na tutol sa mga patakaran at proyektong ipinatutupad ng rehimen. Laganap pa rin ang iligal na pang-aaresto, pamamaslang, tortyur, at iba pang porma ng paglabag sa karapatang-tao.