Tagong yaman nina Tugade at Dennis Uy, nabunyag
Dalawang Pilipino na ang nabunyag na may itinatagong yaman sa isinapublikong milyun-milyong dokumento na naglalaman ng impormasyon tungkol sa tagong mga kumpanya at ari-arian ng pinakamayayamang negosyante at pulitiko sa buong mundo na tinawag na Pandora Papers.
Sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism, lumitaw ang pangalan ni Department of Transportation Secretary Arthur Tugade at ng negosyanteng si Dennis Uy — parehong malapit kay Rodrigo Duterte — sa mga dokumentong ito. Nakarehistro ang kanilang mga kumpanya sa British Virgin Islands, isang bansang kilalang taguan ng mga kurakot at kita ng mga umiiwas magbayad ng buwis sa kani-kanilang mga bansa.
Nakalista si Tugade, kasama ang kanyang asawa at tatlong anak, bilang may-ari ng Solart Hildings Limited — isang kumpanyang nakabase sa British Virgin Islands (BVI). May nakalista itong halagang P75 milyon. Ayon sa PCIJ, wala sa deklaradong statement of Assessts, Liabiltiies and Net Worth (SALN) ni Tugade ang naturang kumpanya.
Si Dennis Uy ay nakalista bilang may-ari ng China Shipbuilding and Exports Corp. at Pacific Rider Limited in Overseas Management Company Trust Limited, parehong nakarehistro sa BVI. Kliyente ang dalawang kumpanya ng Commence Overseas Limited, na siya ring nangangasiwa sa pinansya ng isa pa niyang kumpanya — ang Apex Mining Co. Inc na nakabase sa Mindanao.
Si Tugade at Uy ay dalawa lamang sa tinatayang 900 indibidwal na “nakabase sa Pilipinas” na napangalanan sa Pandora Papers.
Saklaw ng Pandora Papers ang mga sikretong yaman ng 330 pulitiko at 130 bilyunaryo, gayundin ng mga artista, manggagantso, drug lord, mga myembro ng royal family at lider relihiyo sa 200 bansa. Isinapublko ito ng International Consortium of Investigative Journalists noong Oktubre 4.
Sangkot sa kinikilalang pinakamalaking kolaborasyon sa pag-iimbestiga ang mahigit 600 mamamahayag mula sa 150 organisasyong media sa 117 bansa. Ang mga dokumento na may laking 2.94 terabyte ay nasa anyo ng mga dokumento, grapiks, emails, spreadsheet at iba pa. Kalakhan sa pinag-aralan ng ICIJ ay mga datos sa pagitan ng 1996 hanggang 2020.