Talaingod at Pantaron patuloy na niraratrat ng AFP
Hindi bababa sa 69 na bomba at misayl ang pinakawalan ng apat na batalyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kabundukan ng Talaingod sa Davao del Norte at sa paligid ng Pantaron na nagdudulot ng labis na ligalig sa mamamayang Manobo sa lugar. Mula Setyembre 15, 51 beses na kinanyon, 18 beses na nagpasabog ng misayl at daan-daang bala ng machine gun ang rumatrat sa kabahayan at sakahan ng mga Lumad.
Bukod dito, tatlong barangay ng Talaingod ang nilagyan ng detatsment ng mga yunit ng 6th IB, 89th IB, 27th IB at 3rd IB. Mula maagang bahagi ng 2020, 46 komunidad na sa Barangay Palma Gil at Barangay Dagohoy ang kinakampuhan ng tropa ng AFP sa tabing ng Retooled Community Support Program (RCSP). Sa aktwal, naglulunsad ang mga ito ng mga operasyong saywar, paniktik at kombat. Nagkakampo sila sa malapit sa mga bahay ng sibilyan, paaralan at mga barrio hall. Nakakordon ang mga ito sa apat na sityo (Saso, Lasakan, Nalubas at Sambulongan.)
Sapilitang pinatira ang mga Lumad ng Talaingod sa mga “pabahay” na malalayo sa kanilang sakahan at kabuhayan at malapit sa mga detatsment at kampo nang mga RCSP tim. Kontralado ng mga ito ang kanilang pagkilos at buhay. Pinagbabawalan silang pumasok sa kagubatan ng Pantaron ng mga militar at paramilitar na Alamara. Tinatakot silang tatawagin lamang na mga NPA kung masawi sa kagubatan.
Dumaranas ng matinding kahirapan ang mga bakwit na dating sumilong sa UCCP Haran na boluntaryong bumalik sa Talaingod noong nakaraang mga buwan. Hindi ligtas sa gutom at panggigipit maging ang mga Lumad na nalinlang ng kampanya ng kasinungalingan at bigong pangako ng NTF-ELCAC. Patuloy na minamanmanan ng militar ang kanilang mga lider. Pinipilit silang mag-ulat sa hedkwarters ng batalyon sa Sto.Niño at regular na pinipresyur na maglabas ng pahayag kontra sa mga naglulunsad ng protesta hinggil sa militarisasyon sa Talaingod. Pinagsasalita sila laban sa CPP-NPA-NDF. Marami sa mga lumad ang nangangamba na baka mapilitan silang muling magbakwit kung magpapatuloy ang okupasyon, pambobomba at operasyong kombat ng AFP.
Naglulustay ng pera ang rehimeng Duterte at berdugong militar sa mga sinasabi nitong “livelihood programs” at proyektong imprastruktura na tanging sila lamang ang nakikinabang. Ang mga proyektong kalsada sa ilalim ng maanomalyang “Build, Build, Build” ay ginagamit lamang upang madaling makapagdeploy ng mga pwersang pangkombat at pabilisin ang pag-biyahe ng mga produkto ng mga plantasyon at mina mula sa Pantaron. Ang mga sinasabing “accomplishment reports” ng AFP ay ginagamit lamang upang bigyang matwid ang militarisasyon. Para sa mga Lumad ng Talaingod at Pantaron, wala itong silbi.