Tatlong bata, pinaslang ng AFP nitong Hulyo
Hindi bababa sa tatlong bata ang pinaslang ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kampanyang kontra-insurhensya nito ngayong buwan ng Hulyo.
Noong Hulyo 18, napaslang sa walang-habas na pamamaril ng 59th IB si Kyllene Casao, 9-anyos na batang babae, sa Sityo Centro, Barangay Guinhawa, Taysan. Kasama ng batang babae ang kanyang ama na papauwi galing sa pagpapastol ng kanilang kambing nang biglang nagpaputok ang mga sundalo.
Ayon sa ulat ng mga residente, nagpaputok ang mga sundalo sa iba’t ibang direksyon matapos makarinig ng mga putok na nagmula pa sa kabilang sityo. Dagdag nila, nakatitiyak silang bala ng mga sundalo ang nakapaslang sa batang babae.
Noong Martes, Hulyo 26, walang-awa at walang kalaban-labang pinaslang ng mga elemento ng 62nd IB ang isang dalagita sa Sityo Banderahan, Barangay Trinidad, Guihulngan City, Negros Oriental ala-5 ng umaga. Pinatay ng mga sundalo si Everly Kee Jacolbe, 16, kasama ang kanyang ina at isa pang sibilyan.
Malaon nang nirered-tag at tinutugis ng mga sundalo ng 62nd IB ang ina ni Everly. Pinalalabas ng mga sundalo na mga kasapi sila ng Bagong Hukbong Bayan at napaslang sa isang engkwentro.
Bago ng mga insidenteng ito, pinatay ng 4th IB at 2nd Provincial Mobile Force Company ng Philippine National Police ang isang batang Mangyan-Buhid sa Sityo Tauga Daka, Barangay San Vicente, Roxas, Oriental Mindoro noong Hulyo 3.
Napatay ang bata matapos paulanan ng bala ng mga sundalo at pulis ang bahay ni G. Inyab, isang katutubong Mangyan-Buhid sa naturang sityo. Para pagtakpan ang krimen, pinalalabas ng mga sundalo na ang bata ay napaslang sa isang armadong engkwentro.
Ang tatlong kaso ng pagpatay sa mga bata ay tanda ng tumitinding brutalidad ng gerang mapanupil ng AFP. Maaalalang noong Pebrero 8, dalawang batang (edad 12) ang napatay ng mga tropa ng 20th IB sa Catubig, Northern Samar.
Kaugnay nito, nanawagan ng hustisya si Ka Coni Ledesma, pinuno ng Special Office for the Protection of Children ng NDFP, para sa batang biktima at kanyang pamilya, gayundin ang mahigpit na pagsunod ng mga pasistang sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at pulis sa internasyunal na makataong batas.