Tatlong kababaihang magsasaka, iligal na inaresto sa Pampanga

,

Iligal na inaresto sa isang operasyong overkill at kubkob ng magkasanib na pwersa ng militar at pulis ang tatlong kababaihang magsasakang kasapi ng grupong Bayan Muna noong Abril 13 sa Barangay Mawaque, Mabalacat, Pampanga.

Kinilala ang tatlo bilang sina Maria Teresa Buscayno, Erlinda David, at Evelyn Munoz na pawang may edad na. Ayon sa Karapatan-Central Luzon, ang tatlo ay deka-dekada nang nagtataguyod sa interes at kagalingan ng mga mangingisda, katutubo, manggagawang bukid, magsasaka at maralita.

Hindi bababa sa 15 yunit ng pulis at militar ang kabilang sa nag-operasyon para tugisin at arestuhin ang tatlong kababaihan. Kabilang sa mga ito ang Mabalacat CPS, CIDG Pampanga PFU, CIDG RFU3, RID PRO3, 7IDPA, PIU Pampanga, RMFB3 TSC SWAT, 302nd MC RMFB3, 22nd SAC, SAF, 1st and 2nd PMFC, Pampanga PPO, 1st PMFC Tarlac PPO, PIU Tarlac, at RIU3, sa pamumuno ni PLTCOL Heryl L. Bruno, COP-Mabalacat CPS.

Sinampahan ng illegal possession of fireams sina David at Buscayno. Si Munoz ay inaakusahang kalihim ng komite ng Partido Komunista ng Pilipinas sa rehiyon at sinampahan ng kasong pagpatay.

Ayon sa grupong nagtatanggol sa karapatang-tao, “imbes kilalanin ng estado ang naging mabubuting kontribusyon sa mamamayan ng mga makabayang partylist, gawa-gawang kaso, arbitraryong pag-aresto, at paglabag sa kanilang batayang karapatan ang isinusukli ng rehimeng numero unong human rights violator.”

Sa pag-aresto sa tatlong kababaihan sa Pampanga, umaabot na sa walo ang iligal na inaresto ng mga pwersa ng estado sa loob lamang ng anim na araw. Noong Abril 11, inaresto habang nakapila para magpabakuna sa Paranaque City sina Efren Lorenzo, Maria Fe Serrano at Plinky Longhas. Bago sila, inaresto sa Nueva Vizcaya si Isabelo Adviento ng Anakpawis Partylist noong Abril 8 at sa Cagayan de Oro si Aldeem Yanez ng Iglesia Filipina Independiente noong Abril 10.

Dagdag nito, sa parehong panahon din noong nakaraang taon sinalakay ng mga armadong pwersa ng rehimen ang mga upisina ng progresibong organisasyon sa Central Luzon. Sa binansagang “Huli Week, iligal na inaresto sina Florentino ‘Pol’ Viuya Jr. at ang lider magsasaka na si Joseph Canlas. Tinaniman sila ng mga ebidensya, at sinampahan ng mga gawa-gawang kaso.

Nakakulong pa hanggang ngayon si Viuya Jr. Si Canlas ay namatay sa kulungan dulot ng pagpapabaya ng mga pulis sa kanyang kalusugan.

Panawagan ng mga progresibong grupo ng Central Luzon na kagyat palayain ang tatlong kababaihan dahil wala silang mga sala. Ipinababasura nila ang gawa-gawang mga kasong isinampa sa tatlo.

“Sa ating mga nagmamahal sa kapayapaan, nagtatanggol sa karapatan, at naghahangad lamang ng makabayang pagbabago—ng gobyernong tapat na angat buhay lahat sama-sama nating muling idiin—na ang maglingkod sa mga magsasaka ng bayan ay hindi kailanman gawaing terorismo,” hamon ng Karapatan-CL.

AB: Tatlong kababaihang magsasaka, iligal na inaresto sa Pampanga