Tiwala sa Comelec, naaagnas
Nagpahayag ng kawalang-tiwala ang mga grupong National Movement for Free Elections (Namfrel) at AES Watch sa Commission on Elections (Comelec) sa isang online briefing noong Abril 22. Anila, hindi tumatalima ang Comelec sa ligal na mga probisyon para tiyaking transparent o bukas sa pagkilatis ng publiko ang mga prosesong elektoral. Kabilang sa mga prosesong ito ang pag-iimprenta ng balota, na isinagawa nang walang taga-obserba mula sa mga pollwatcher tulad ng Namfrel.
Ayon kay Gus Lagman, tagapangulo ng Namfrel, 70% ng mga balota ay inimprenta nang walang ibang obserber. Aniya, hindi ipinaalam ng Comelec sa Namfrel ang iskedyul nito at sa simula ay hindi sila pinayagang mag-obserba, bagay na ginagawa nila kada eleksyon. Nanawagan din siyang gawing “hybrid” o bahaging manwal-bahaging automated, ang proseso ng pagboto para matiyak ang transparency sa halalan.
Binatikos naman ng AES ang Comelec sa di nito pagsapubliko ng mga resulta para tiyaking gumagana nang maayos ang sistemang automated. Nakasaad ang Republic Act 9369 (Automated Elections Act) na dapat ilabas ng Comelec ang dokumentasyon ng awdit o pag-aaral sa software at iba pang code ng automated election system tatlong buwan bago ang araw ng eleksyon.
“Hindi sinusunod ng Comelec ang mga probisyon ng batas,” ayon kay Nelson Celis, tagapangulo ng AES. Isa pang kulang sa darating na eleksyon ang paggamit ng digital signature na paraan para tiyaking upisyal at hindi palsipikado ang bibilanging resulta.
Ang pahayag ng kawalang tiwala ay ginawa ng mga grupo noon ding binantaan ni Rey Bulay, isa sa pitong komisyuner ng Comelec, ang sinumang bumabatikos sa ahensya.
“Sa lahat na nagpapahayag ng opinyon na biased ang Comelec o na magsasagawa ito ng pandaraya sa eleksyon, binabalaan ko kayo, hindi ako magdadalawang-isip na tawagin ang Armed Forces of the Philippines, na ngayon ay nasa ilalim na ng kontrol ng Comelec, para arestuhin kayo at ikulong,” banta ni Bulay noong Abril 22 matapos umapela ang isang grupo ng mga tagasuporta ng tambalang Leni-Kiko sa Comelec na tiyaking maging maayos, mapayapa at kapani-paniwala ang eleksyon.
Ang naturang apela ay ipinadala rin sa iba pang ahensya na sangkot sa araw ng eleksyon tulad ng Department of Education, pulisya, militar at kaakibat nitong mga ahensya. Nanawagan ang naturang mga tagasuporta na maging non-partisan ang mga empleyado sa mga ahensyang ito, at na tiyakin nila na ligtas ang pagboto para “protektahan ang kapasyahan ng mga botante alinsunod sa kanilang ibinoto.”
Ginawa ang apela matapos ang sunud-sunod na balita ng mga kapalpakan ng Comelec at iregularidad sa overseas voting, pagkaantala ng pagbubukas ng online ng precinct finder at pagkabunyag ng iligal na paglalabas ng isang empleyado ng Smartmatic ng mga datos ng kumpanya.
Kinundena ng Karapatan ang pagbabanta ni Bulay at sinabing batayang karapatan laluna sa panahon ng eleksyon ang karapatang makapagpahayag.
“Sa halip na magbanta ng gagamitin (nito) ang militar laban sa mamamayan…dapat alalahanin ng Comelec na kailangan nitong respetuhin at sundin ang mga internasyunal na pamantayan sa karapatang-tao,” ayon sa pangkalahatang kalihim nitong si Cristina Palabay.
Ayon kay Danilo Arao ng grupong Kontra Daya, balido ang magpahayag ng mga pagdududa sa panahong may nakikinitang kawalan ng accountability at transparency.
Pinagsabihan din ng Commission on Human Rights si Bulay at sinabing hindi dapat nito pinagbabantaan ang mga kritiko ng Comelec dahil mayroon itong “chilling effect” (nakapananakot).
Si Bulay ay kaeskwela ni Rodrigo Duterte sa San Beda College. Dati siyang pulitiko sa Muntinlupa na itinalaga ni Duterte sa Comelec noong Nobyembre 2021 kahit wala siyang karanasan sa pagpapatakbo ng eleksyon.