Totoo at tataas pa ang 6.1% implasyon—mga ekonomista

,

Gaano man itanggi ni Ferdinand Marcos Jr, mataas at patuloy na tataas ang tantos ng implasyon sa bansa. Noong Hulyo 5, inianunsyo ng Philippines Statistics Authority (PSA) na pumalo na sa 6.1% ang implasyon sa Hunyo, mula 5.4% sa Mayo.

Taliwas sa pahayag ni Marcos, noon pang Hunyo 2021 lumampas sa 4% ang tantos ng implasyon sa Pilipinas. Dulot ito pangunahin ng pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang batayang mga bilihin. Ngayong taon, itinulak ang pagsirit ng mga presyo ng walang awat na pagtaas ng presyo ng langis mula pa Enero, na lalupang nagpasirit sa dati nang matataas na presyo ng pagkain.

Inaasahang lalagpas pa sa 6.1% ang magiging implasyon ngayong taon, ayon sa mga analista. Tiyak na higit pang bibilis ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa susunod na mga buwan. Napipinto ang mga pandaigdigang krisis sa pagkain dahil sa mga restriksyon sa kalakalan na ipinataw ng US sa Russia. Maraming batayang pagkain ang inaangkat ng bansa (gatas, harina at maging bigas at isda). Iniaasa ng mga upisyal ng estado sa mga imported na kalakal na ito ang estabilidad ng suplay ng pagkain, imbes na itulak ang lokal na produksyon. Isa-isa nang naghihigpit ng mga produktong i-eeksport ang mga bansang prodyuser nito.

Dahil dito, lalong nababawasan ng halaga ang kada piso na hawak ng mamamayang Pilpino. Sa taya ng PSA, nasa ₱0.87 na lamang ang piso kumpara sa halaga nito apat na taon ang nakaraan. Ibig sabihin, para makabili ng mga serbisyo at produktong nagkakahalaga ng ₱1 noong 2018, kailangan na mayroong ₱1.13 ang isang konsyumer.

Mas mababa pa ang tunay na halaga ng piso para sa 30% pinakamahihirap na Pilipino, sa taya ng mga ekonomista. Nasa ₱0.72 na lamang ang halaga ng kanilang piso. Ito ay dahil ang pangunahing sumirit ay ang mga presyo na pagkain (manok at bigas) na mayor na pinagkagagastusan ng mahihirap na pamilya. Kumpara sa pangkalahatan na gumagastos lamang ng higit sangkatlo (34.8%) ng kanilang kita para sa pagkain, nasa 55% o higit kalahati ang ginagastos ng mahihirap na mga pamilya para rito.

Gayundin, lumobo ang gastos para sa transportasyon dulot ng pagtaas ng presyo ng gasolina nang hanggang 54% at diesel nang 92.5%.

AB: Totoo at tataas pa ang 6.1% implasyon—mga ekonomista