Trahedyang Marcopper, pamana ng diktadurang Marcos Sr.
Maituturing na tagumpay ang desisyon ng Regional Trial Court sa Marinduque noong Mayo 16 na nag-utos sa Marcopper Mining Corporation na magbayad ng danyos nang hanggang ₱10 milyon para sa insidente ng mine spill noong 1993. Gayunpaman, hindi matutumbasan ng kahit anong halaga ang paulit-ulit at matagalang mga pinsalang idinulot ng pagmimina ng kumpanya sa mamamayan ng Marinduque.
Nagmula ang hatol sa kasong isinampa ng 30 indibidwal kaugnay sa pagkawasak ng dam ng kumpanya na nagresulta sa pagbaha at pagkasira ng kabuhayan ng mga residente ng dalawang barangay sa Mogpog, Marinduque. Iginawad ni Judge Emmanuel Recalde ng Branch 38 ang pasya na bayaran ng Marcopper ang mga nagsakdal ng ₱300,000 ($5,734) bawat isa, at isang milyong piso para sa “exemplary damages” o danyos para tiyaking hindi na mauulit ang krimen.
Pinagmulan ng kaso ang pagbaha ng nakalalason na basura ng Marcopper sa Mogpog River nang gumuho ang Maguila-guila dam na nasa itaas na bahagi ng ilog. Nagresulta ito sa baha na tumangay sa maraming bahay, pumatay sa mga alagang hayop at sumira ng mga pananim. Dalawang bata ang naiulat na nalunod. Sa Barangay Hinapulan, nabaon sa anim na talampakan ng maputik na tubig-baha. Dahil dito, lumikas ang 400 pamilya.
Hindi naging madali para sa mamamayan ng Marinduque ang laban. Inabot ng 21 taon ang pakikipaglaban nila sa korte kasama ang mga grupong maka-kalikasan. Bago nito, magtatatlong dekada nang hinahakot ng kumpanya ang depositong ginto, pilak at tanso sa kabundukan ng prubinsya.
Higit pang pagdurusa
Nasundan ang mine spill ng 1993 ng mas malaki pang trahedya nang mawasak ang dam ng basura at tumapon sa isang mayor na ilog ang halos 200 milyong toneladang nakalalasong kemikal noong Marso 24, 1996. Ang insidenteng ito, na itinuturing na pinakamalala sa kasaysayan ng bansa, ay may matagalang pinsala sa buhay at kabuhayan ng mga Marinduqueño.
Ang Boac River, na pinagmumulan ng kabuhayan ng mga nakapaligid na komunidad, ay idineklarang mapanganib. Ang latak na itong nagmula sa pagproseso ng mineral ay siksik sa mga metal at kemikal, at agarang pumatay sa nasabing ilog. Kalaunan ay nagresulta ito sa paglikas at taggutom. Umabot sa 4,000 residente mula sa limang barangay ang direktang naapektuhan ng sakuna. Ilan sa kanila ang namatay.
Pangmatagalang pinsala ang idudulot ng lasong kemikal mula sa basura na sisira sa kapaligiran at produktibong ekosistema na pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga tao. Peligroso para sa kalusugan ang konsentrasyon ng mga metal sa mga gulaying itinatanim at binebenta sa prubinsya. Maraming residente, kabilang ang mga bata, ang natuklasang may mataas na lebel ng nakalalasong lead at cyanide sa kanilang dugo.
Sa kabuuan, apat na kasong kriminal, sibil at administratibo ang isinampa ng pamahalaang pamprubinsya ng Marinduque laban sa Barrick Gold, Marcopper Mining Corp., and Placer Dome, Inc. at kanilang mga upisyal simula 1996.
Noong 2014, nag-alok ang kumpanya ng $20 milyon sa mga nagsakdal. Tinanggihan ito ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduqe hindi lamang dahil hindi ito sapat para mabayaran ang pinsala sa kapaligiran. Inayawan ng lokal na gubyerno ang alok dahil nais din ng kumpanya na bitawan na ng mga nagsakdal ang paniningil sa pananagutan at responsibilidad sa trahedya.
Trahedya ng diktadura
Ang mga trahedyang idinulot ng Marcopper ay kabilang sa mga pamana ng diktadurang Marcos na hanggang ngayon ay iniinda ng mamamayan. Itinatag ang kumpanya noong 1969 gamit ang pondo mula sa Asian Development Bank, na noo’y nagmamay-ari ng 40% nito. Noong 1975, pinahintulutan ni Ferdinand Marcos Sr. ang kumpanya na magtapon ng basura sa Calancan Bay sa kabila ng malawak na pagtutol ng residente sa isla. Sa pamamagitan ng kanyang mga kroni, hinawakan ng diktador ang 49% sa korporasyon. Gamit ang estado-poder, pinigilan niya ang mga pagbatikos at pagsalungat ng mamamayan sa minahan. Sinuspinde niya ang mga regulasyong pangkapaligiran kahit malinaw ang pinsalang idudulot nito sa kalapit na mga komunidad.
Kahit matapos mapatalsik ang diktador na si Marcos, nagtuluy-tuloy ang pagpabor ng estado sa Marcopper. Namagitan ang dating pangulo na si Cory Aquino upang maipagpatuloy ng Marcopper ang pagtatapon ng nakalalasong basura sa Calancan Bay kahit may “cease-and-desist order” mula sa ahensyang pangkalikasan.
Hindi pinigilan ng sumunod na rehimen ni Fidel Ramos ang operasyon ng Marcopper. Malaking bahagi ng kanyang ilusyonadong “industriyalisasyon” ay nakaangkla sa mapangwasak na pagmimina. Pinalala pa ito ng sumunod na mga rehimen na sunud-sunod na nagtaguyod sa Philippine Mining Act ng 1995.