#TularanSiKaBel: Kaarawan ni Ka Crispin “Ka Bel” Beltran, ginunita
Bilang paggunita sa ika-89 taong kaarawan ni Crispin “Ka Bel” Beltran, nag-alay ng bulaklak ang Kilusang Mayo Uno sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City noong Enero 7. Inalala nila ang naging mga ambag ng dakilang lider-manggagawa sa ilang dekadang pakikibaka at paglilingkod para sa masang anakpawis.
Nagkaroon din ng online na programa sa social media na pinamagatang: Be a Ka Bel: Itaguyod ang diwa ng makabayan at makamasang lingkod-bayan. Anila, dapat tularan ng sinumang tatakbo para sa pampublikong pusisyon ang ehemplo ni Ka Bel. Kampeon siya ng maralita sa loob at labas ng Kongreso, walang pagod niyang binitbit ang interes ng mga magsasaka at manggagawa at nagsulong ng mga reporma para sa kanilang karapatan at kagalingan.
Si Ka Bel ay isa sa pinakakilala at matatag na lider-unyonista sa Pilipinas na lumitaw noong dekada 1970 sa gitang ng paglaban sa diktadura ni Ferdinand Marcos Sr. Kasama siya sa mga nagtatag sa Kilusang Mayo Uno noong 1980 at pinamunuan niya ito ng mahigit isang dekada.
Dahil sa kanyang matatag na pamumuno sa uring manggagawa, ipinakulong siya ni Marcos. Nakatakas siya noong Nobyembre 1984 at sumanib sa armadong rebolusyonaryong kilusan. Lumitaw siyang muli nang mapatalsik si Marcos noong 1986 at bumalik sa pamunuan ng kilusang manggagawa.
Noong 1987, kabilang siya sa mga makabayan at demokratikong pwersa na kumandidatong senador sa ilalim ng Partido ng Bayan.
Sa sumunod na mga dekada, lalong naging kilala si Ka Bel sa maraming pakikibaka ng uring manggagawa na kanyang pinamunuan at nilahukan, kabilang ang mga malawakang paglaban at aklasan para sa umento sa sahod, laban sa pagtaas ng presyo ng langis, gayundin para sa pagpapatalsik ng mga base militar ng US sa Pilipinas. Noong taong 2000, nahalal siyang tagapangulo ng International League of People’s Struggles, isang pandaigdigang alyansang anti-imperyalista.
Noong 2001, kasama sina Satur Ocampo at Liza Maza, nahalal si Ka Bel bilang unang kinatawan ng Bayan Muna sa Kongreso. Isa rin siya sa mga nagtatag ng partidong Anakpawis noong 2003 at naging kinatawan nito. Noong 2006, ipinakulong siya ng dating presidente Gloria Arroyo sa kasong rebelyon. Ipinagtanggol siya ng malawak na masang manggagawa, kasama ng mga abugado sa loob at labas ng bansa, hanggang ipinag-utos ng Korte Suprema ang kanyang paglaya.
Namatay noong Mayo 20, 2008 sa Bulacan nang mahulog siya habang kinukumpuni ang bubong ng kanilang bahay.