Tunay na halaga ng sahod, bagsak sa panahon ni Duterte

,

Bumagsak ang tunay na halaga ng sahod sa ilalim ng rehimeng Duterte dahil sa makupad at maliliit na dagdag-sahod at pagsirit ng mga presyo.

Ayon sa Ibon Foundation, grupo sa pananaliksik sa mga usaping sosyo-ekonomiko, “bumagsak nang 4% ang tunay na sahod dahil tatatlong beses lamang na taas-sahod ang ipinatupad sa nakaraang anim na taon mula nang maupo nag administrasyon Duterte.

Ito ay habang sumirit ang implasyon mula sa 0.5% noong Hulyo 2016 tungong 7.1% noong Agosto 2018 at 4.9% noong Abril 2022. Sa taya ng mga ekonomista, mananatili sa mataas na 4.7% ang tantos ng implasyon sa buong 2022, higit kumpara sa 2%-4% na ipinanggigiitan ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Noon lamang Mayo 15, inaprubahan ng Department of Trade and Industry ang muling pagtaas ng mga presyo ng 82 batayang produkto nang 2% hanggang 10%. Kabilang dito ang tinapay, sardinas, nakaboteng tubig, gatas, instant nudels, sabong panlaba, kandila, harina, pinroseso at delatang karneng baboy, karnenorte, suka, patis, toyo, sabong panligo at bateri.

Posible pang tumaas ang presyo ng nabanggit na mga pagkain at batayang produkto dahil hindi pa nito buong sinasalamin ang pagtaas ng mga hilaw na materyales na ginamit para rito, ayon sa DTI. Tumaas mula .56% tungong 32.14% ang presyo ng tamban (para sa sardinas), mechanically deboned meat (para sa delatang baboy at karnenorte), buttermilk (para sa gatas) at palm oil (para sa sabon at nudels).

Dagdag dito ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo nang 28.34% ngayong taon.

AB: Tunay na halaga ng sahod, bagsak sa panahon ni Duterte