Unang unyon sa loob ng dambuhalang kumpanyag Amazon, naitayo na
Naitayo na ang kauna-unahang unyon sa loob ng dambuhalang kumpanyang Amazon sa kabila ng pagmamaniobra ng may-ari ng kumpanyang si Jeff Bezos na pigilan ito. Noong Abril 1, bumoto ang 2,654 pabor sa pag-uunyon, kontra sa 2,131 na hindi pumabor na manggagawa ng Amazon sa Staten Island, New York, na nag-eempleyo ng mahigit 8,000 manggagawa. Ang tagumpay ng pag-uunyon ay bunga ng ilang taong aktibong pangangampanyang buuin ito.
Ang mga manggagawang Amazon sa Staten Island ay responsable sa pagkuha at pagbabalot ng mga order sa dambuhalang bodega ng kumpanya. Kakatawin sila ng Amazon Labor Union, isang independyenteng unyon na binuo ni Christian Smalls, isang manggagawang sinisante ng kumpanya noong Marso 2020. Ito ay matapos pamunuan niya ang walkout ng mga manggagawa para tutulan ang pagkukulang ng kumpanya na protektahan ang mga manggagawa laban sa Covid-19.
Panawagan ng mga bagong unyonista ang mas mataas na sahod, pagpapahaba ng oras ng pahinga, bayad na sick leave at bayad na oras ng pahinga sa panahong may iniindang injury na dulot ng paggampan sa kanilang trabaho.
Ikalawa ang mga manggagawa sa naturang bodega sa mga manggagawa ng Amazon na sumalang sa sertipikasyon sa eleksyon para magbuo ng unyon. Una sa kanila ang mga manggagawa sa bodega ng Amazon sa Bessemer, Alabama na natalo dulot ng pagmamaniobra at maruming taktika ng maneydsment ng kumpanya. Napatunayang nanggipit ang kampanya sa panahon ng eleksyon kung kaya ipinawalambisa ito noong huling bahagi ng 2021. Magkakaroon ng panibagong eleksyon sa susunod na mga buwan. Tuluy-tuloy ang suportahan ng mga manggagawa para sa itayo ang mga unyon sa iba pang bodega ng Amazon sa buong US.
Bantog sa kasamaan ang kumpanyang Amazon sa samu’t saring kaso ng paglabag sa karapatan ng mga manggagawa. Sa kasagsagan ng pandemya, umabot sa 20,000 manggagawa ng Amazon ang nagkaroon ng Covid-19. Dulot ng pagpapataas ng kota, mataas ang bilang ng mga napinsala kaugnay sa trabaho. Bulnerable sila sa mapanganib ng mga kemikal na ginagamit ng kumpanya. Mas matindi, pinagbabawalan silang mag-unyon, todo-larga silang nagpapakalat ng kumpanya laban sa pag-oorganisa at sinisisante ang sinumang manggagawang natukoy nilang nag-oorganisa.
Liban sa Bessemer, nakatakda rin ang eleksyon sa sertipikasyon sa bodega ng Amazon sa Alabama.