Unyon ng mga manggagawa sa electrical wiring, nahalal
Bumoto ang mga manggawa ng Hypervolt Contractor Corporation kahapon, Abril 3, sa isinagawang certification election para piliin ang unyon na kakatawan sa kanila. Pinili ng mga manggagawa ang Hypervolt Workers Union (HWU) bilang lehitimong unyon na kakatawan sa kanila sa pakikipagnegosasyon sa maneydsment.
Ang Hypervolt ay kumpanya na naglalatag ng mga electrical wiring at mga imprastruktura kaugnay nito. Nag-eempleyo ito ng hindi bababa sa 200 manggagawa.
Noong nakaraang taon, panahon ng pandemya, itinayo ng mga manggagawa ang unyon para ipagtanggol ang kanilang karapatan laban sa hindi makataong paggawa, kakulangan sa benepisyo at proteksyon at iba pang mga karapatan.
“Yun nga [ang] mga hinaing namin sa benepisyo namin, sahod namin, yung mga delay[ed] na sahod… Kaya po kami nagtayo ng unyon dahil gusto namin iparating sa kumpanya namin ang aming mga karaingan,” ayon kay Victor Ansuas, secretary ng Hypervolt Workers Union, sa isang pahayag noong Setyembre 2021.
Si Ansuas ay 22 taon nang nagtatrabaho sa kumpanya at dumaranas ng hindi maayos na pagtrato ng kumpanya. Bukod sa laging delayed ang kanilang sahod, dinadaya rin ng kumpanya ang mga manggagawa sa anyo ng hindi sapat na paghuhulog ng kanilang mga kontribusyon sa SSS at kulang na mga benepisyo. Gayundin, sa kabila ng matagal na serbisyo, nananatiling minimum wage ang sahod ng mga manggagawa ng Hypervolt.
Pinamunuan noong nakaraang taon ng unyon ang mga piket at protesta sa harap ng Department of Labor and Employment at sa tanggapan ng kumpanyang Hypervolt sa Quezon City. Nakikiisa rin ang HWU sa mga unyon at pederasyon ng mga manggawa sa Unity for Wage Increase Now – UWIN na nagsusulong ng P750 pambansang minimum na sahod.