Update sa mga pagdinig kaugnay sa Anti-Terror Law sa Korte Suprema
Sumentro kahapon ang mga pagdinig sa Anti-Terror Law (ATL) sa probisyon nito na nagpapahintulot ng arbitraryong pagdedeklara ng mga indibidwal at grupo bilang mga terorista nang hindi dumadaan sa karampatang proseso. Ang partikular na probisyon ay matatagpuan sa Seksyon 2 ng naturang batas. Dalawa sa pinaka-senior na mahistrado ang nagsagawa ng pagtatanong sa abugado mula sa Office of the Solicitor General na inatasan ng estado na ipagtanggol ang batas sa Korte Suprema.
Sa pagtatanong ni Chief Justice Alexander Gesmundo, ipinunto niya na taliwas sa “due process” ang kaakibat na pag-freeze ng pera at ari-arian ng sinumang pangangalanang “terorista” ng Anti-Terror Council. Aniya, nakasaad sa konstitusyon ang naturang probisyon na nagsasabing “walang sinuman ang hihikawan ng buhay, kalayaan o ari-arian nang hindi dumadaan sa karampatang proseso.” Ang prosesong ito ay aplikable sa lahat ng klaseng proceeding o pagdinig, ayon sa mga mahistrado, “sa kriminal, administratibo o kahit ano pa.”
Kinuwestyon din ng mga mahistrado ang probisyon ng ATL kaugnay sa pagbibimbin ng isang pinaghihinalaang terorista nang 24 araw kahit walang naka-isyu na mandamyento de aresto laban sa kanya.
Ilan sa mga kinwestyon ng mga mahistrado sa pagdinig ng interpelasyon ng OSG ang sumusunod:
1) Red-tagging ng National Task Force- End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa mga tinukoy nitong “maka-Kaliwa,” kabilang ang mga community pantry. Sinubukan itong ipagtanggol ng OSG sa pagdadahilang “truth-tagging” at hindi red-tagging ang ginagawa ng NTF-ELCAC. Hindi nakumbinsi ang mga mahistrado na nagsabing alam ng lahat kung ano ang ibig sabihin at mga implikasyon ng red-tagging. “…hindi ito maitatago. Kahit mga bata alam kung ano ang red-tagging,” ayon pa kay Associate Justice Amy Lazaro-Javier.
2) Pagparusa sa mga komunista batay sa kanilang ideolohiya. Hindi krimen ang pagiging komunista, ayon Associate Justice Marvic Leonen, dahil lahat ng naniniwala sa sulatin ni Karl Marx ay masasabing komunista. Animo’y walang narinig (o naintindihan), hindi pinansin ni Gen. Esperon ang mahabang lektura ng huwes kaugnay sa komunismo at inanunsyo na maglalabas ng listahan ng mga “teroristang komunista” sa susunod na araw ang NTF-ELCAC. (Nota: Inilabas ng NTF-ELCAC ang Resolution Number 17 na nagpangalan kay Jose Maria Sison at 18 pa — kabilang ang mga konsultant ng National Democratic Front of the Philippines sa peace negotiations —bilang mga “terorista.”)
3) Malabong depinisyon kung ano ang ituturing na “aktong terorista.” Aminado ang mga abugado ng OSG na malabo at hindi nila masabi kung ano ang ibig sabihin o gaano katindi bago ang “takot, intimidasyon o pinsala” ng isang krimen sa pangkalahatang publiko ay matatawag na “aktong terorista.” Ayon sa mga mahistrado, lalong problemado ang pagturing na “aktong terorista” ang mga akto na “may layuning udyukan (provoke) o impluwensyahan sa pamamagitan ng intimidasyon ang gubyerno…..” para gumawa ng anumang hakbang. Malabo at walang mga pamantayan o istandard sa pagkategorya ng gayong mga akto at iniaasa sa mga pwersang panseguridad ng estado ang pagtutukoy kung anu-ano ang mga ito.
4) Pag-ako ng Anti-Terrorism Council ng awtoridad ng mga korte sa paglalabas ng mga mandamyento de aresto, o sa ibang pagkakataon, pagsasawalambisa ng isang mandamyento. Kinwestyon din ng korte ang awtoridad ng ATC na mag-designate (o magpangalan) ng mga indibidwal o grupo bilang mga terorista sa mga sikretong pagpupulong at nang hindi binibigyan ng abiso ang tinarget na mga indibidwal o organisasyon.
5) Detensyon nang hanggang 24 na araw. Ayon sa mga mahistrado, labag ito sa kasalukuyang mga batas.
Ang pagdinig kahapon (Mayo 12) ay ikawalo na mula magsimula ang mga oral argument sa 37 petisyong nakasampa laban sa ATL. Bago nito, tatlo sa mga sesyon (Abril 27, Mayo 3, Mayo 11) ay iginugol sa pagtatanggol ng OSG sa batas. Ang naunang apat ay ginamit para sa paglalatag ng pitong abugado ng mga argumento laban dito.
Liban sa unang araw, hindi na humarap sa korte si Solicitor General Jose Calida at hinayaan niya ang dalawa niyang assistant na magkandarapa sa pagsagot sa mga tanong ng mga husgado. Madalas na natatameme ang dalawang abugado at napagagalitan ng mga husgado sa kawalan ng paghahanda. May mga tanong din na hindi nila nasasagot kaya nilalaktawan na lamang ng korte. Dagdag sa mga abugado mula sa OSG, humarap din sa korte si Gen. Hermogenes Esperon, ang National Security Adviser at pangalawang hepe ng NTF-ELCAC.
Nakatakda ang susunod at posibleng huling pagdinig sa Mayo 19. Tutulong sa pagbubuo ng desisyon ng korte sina Ret. Justice Reynato Puno at dating solicitor general Francis Jardeleza na una nang itinalaga bilang mga “kaibigan ng korte.”