Upisyal ng Kadamay-Negros, na-“missing”

,

Pormal na ipina-blotter ng kanyang mga kaanak ang pagkawala ni Iver Larit, organisador ng Kadamay-Negros, noong Abril 6. Huling nakita si Larit noong Abril 5, alas-9 ng umaga, nang umalis siya sa kanilang bahay sa Barangay Mansilingan sa Bacolod City.

Nagsimulang mangamba ang kanyang pamilya at mga kasama sa Kadamay nang hindi siya dumating sa isang aktibidad sa isang komunidad ng maralita sa Bacolod City. Kasalukuyang nilalabanan ng naturang komunidad ang banta ng demolisyon.

Ayon sa Karapatan, malaon ng target ng pangreredtag si Larit. Noong 2011, iligal siyang inaresto at ikinulong nang walong buwan dahil sa gawa-gawang kaso. Ibinasura ng korte ang mga kaso dahil sa kakulangan ng ebidensya. Noong Mayo 18, 2019, sinalakay at niransak ang kanyang bahay ng mga armadong ahente ng estado.

Nagprotesta noong Abril 7 ang Kadamay-Negros sa harap ng Old City Hall, Bacolod City, upang ipanawagan na ilitaw si Larit. Si Larit ay kabilang sa “Kill, Kill, Kill” list ng estado kasama ang iba pang mga personalidad sa Negros.

AB: Upisyal ng Kadamay-Negros, na-“missing”