US, uuwing talunan mula sa Afghanistan
Balita kahapon ang anunsyo ni US Pres. Joseph Biden na itutuloy na ng US ang planong iuwi ang natitira pa nitong 2,500 tropang pangkombat sa Afghanistan simula Mayo 1 hanggang Setyembre 11. Ang naturang plano ay una nang inanunsyo ng dating presidente na si Donald Trump. Kasabay na aalis sa Afghanistan ang 7,000 pwersang militar ng UK, Australia at iba pang alyado ng US. Walang sinabi kaugnay sa 18,000 “pribadong kontraktor” o mga mersenaryong nagsisilbing armadong gwardya ng mga Amerikanong kumpanya at kontraktor na nasa bansa sa ngalan ng “rekonstruksyon at rehabilitasyon.”
Ayon kay Biden, wala na siyang nakikitang dahilan kung bakit magtatagal pa ang mga tropang Amerikano sa Afghanistan. Matapos ang 20 taon, nakamit na diumano ng US ang layunin nitong tiyakin na hindi na magiging lunsaran ng “terorismo” ang bansa, isang alamat na ginamit ng dating mga presidente ng US para bigyan-katwiran ang gerang agresyon.
Sampung taon na ang nakalipas nang isagawa ang asasinasyon o ekstrahudisyal na pamamaslang ng mga tropang Amerikano kay Osama bin Ladin na naganap hindi sa Afghanistan, kundi sa katabing Pakistan. Sa buong panahon, hindi kailanman napatunayan ng US ang ugnayan ng Al Qaeda — ang grupong umako sa mga teroristang atake sa US noong Setyembre 11, 2001 — sa Taliban, ang grupong di upisyal na gubyerno sa Afghanistan.
Sa kadulu-duluhan, napilitan ang US na makipagnegosasyon sa Taliban para ligtas na makaatras ang kanilang mga tropa sa bansa. Noong Marso, nagmungkahi si US State Secretary ng negosasyong “pangkapayapaan” a pangungunahan ng United Nations at pagtatayo ng bagong estado kung saan may partisipasyon ang Taliban. Malayong-malayo na ito ay layunin ng US na “imodernisa” at “palayain” ang mamamayang Afghan sa impluwensya ng “terorismo” at Taliban na ginamit nitong dahilan para salakayin ang bansa.
Ang totoo, matagal nang tinalo ng Taliban ang mga tropang Amerikano. Hindi nagawa ng US at papet ng gubyerno na kontrolin ang malalawak na tipak ng kalupaan sa ipinatupad nitong estratehiya ng “clear-hold-build.” (Ang estratehiyang ito ang naging batayan ng pamamaraang “whole-of-society” na kinopya ng Pilipinas bilang pamamaraang “whole-of-nation” sa kontra-insurhensyang gera nito laban sa BHB.) Hindi nagapi ng mga drone, jetfighter at iba pang modernong mga armas ang estratehiya ng Taliban ng desentralisadong paglaban mula sa kanayunan, likidasyon ng mga piling upisyal sa mga syudad at unti-unting pagkubkob ng mga base militar. Sa taya ng mga eksperto, mahigit kalahati na ng bansa ang kontrolado ng Taliban at nasa katayuan itong magpalawak pa ng impluwensya pag-alis ng mga Amerikano.
Iiiwan ng 20-taong okupasyon ng US ang Afghanistan na wasak ang imprastruktura, gubyerno at ekonomya. Libu-libong sibilyan ang napatay at milyun-milyon ang napilitang magbakwit mula sa kani-kanilang komunidad. Ang itinayo nitong papet na gubyerno ay nakapwesto dulot ng mga eleksyong batbat ng katiwalian at tinatauhan ng brutal na mga warlord na sangkot sa produksyon ng opium (ginagamit para sa produksyon ng heroin). yon sa World Bank, pinalulutang lamang ang lokal na ekonomya ng dayuhang pondo at ayuda at makitid at mahina ang lokal na produksyon. Malaking bahagi ng mga manggagawa sa syudad ay ineempleyo ng mga Amerikano at nagsimula nang mawalan ng trabaho dulot ng pagsasara ng mga base militar. Nasa 60% na nasa kanayunan ay nakaasa sa atrasado at hiwa-hiwalay na produksyong agrikultural.
Kahit ang ipinangangalandakan g US na programa para i-angat ang mga karapatan at kagalingan ng mga batang babae at kababaihan sa bansa ay isang malaking kabiguan — taliwas a paulit-ulit na pagdeklara na “tagumpay” ito para bigyan-katwiran ang pakikialam ng US sa pagpapatakbo ng bansa. Nananatiling isa sa pinakamasahol na lugar para sa kababaihan ang Afghanistan, ayon sa mga internasyunal na grupo sa karapatang-tao. Mahigit kalahati (2/3 ayon sa Human Rights Watch) sa mga batang babae ang hindi nag-aaral at 87% sa kanila ang hindi marunong magsulat at magbasa. Noong 2018, idineklarang palpak at nawaldas lamang ang $280 milyong ayuda na ibinuhos ng US sa programang ito.