Wala ring hustisya sa taga-Marawi
Pagkatapos ng apat na taon, wala pa ring hustisya para sa mga biktima ng Marawi Siege. Hindi pa rin makabalik sa syudad ang karamihan sa 27,000 pamilya ng 11,000 kabahayang winasak ng teroristang gera at pambobomba ng rehimeng US-Duterte. Nananatili pa rin ang malaking mayorya na walang sariling mga bahay at nagsisiksikan sa mga sentrong ebakwasyon, at ang iba nama’y nakatira sa kanilang mga kamag-anak sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Samantala ang nakatira sa ngayon sa Marawi, ang banal na syudad ng mga Moro sa Mindanao, ay mga pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at militar ng US. Lubusan nang inangkin ang lupaing Moro pagkaraan ng 5-buwang gera, na nagsimula noong Mayo 23, 2017 na kumitil sa buhay ng 370 mamamayan kabilang ang mga kababaihan at menor de edad at mahigit 3,000 ang nawawala. Pinalalawak pa ang Camp Ranao Military Reservation na noo’y tinawag na Camp Keithley ng kolonyalistang US.
“Malinaw na buhay ng mamamayang Moro ang ipinalit para lubusang agawin ang 24-ektaryang lupain para sa kampo ng AFP,” pahayag ni Ka Alik Luna, information officer ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Lanao, kaugnay sa ika-apat na anibersaryo ng Marawi Siege.
Totoong may ilang residenteng nakabalik at muling makapagtayo ng kanilang mga bahay pero ito ay mula sa sarili nilang mga bulsa. Tulad sa pag-amin ni Rodrigo Duterte noong 2019, walang pondo ang Task Force Bangon Marawi (TFBM) para sa muling pagtatayo sa winasak nilang kabahayan. Sa halip, ang pinagkakaabalahan ng TFBM ay mga “ornamental projects” kagaya ng museo.
Ngunit, ano ang silbi sa amin ng museo? “Nagbibigay lamang ito ng mapait na mga alaala,” sabi ni Drieza Lininding, tagapangulo ng Moro Consensus Group.
Binuhay ang mga alaala ng pagbomba ng Marawi sa mga larawan sa mga dyaryo at telebisyon ng pambobomba ng Israel sa mga kabahayan ng Palestino at imprastruktura sa Gaza Strip. “Kagaya ng mamamayan ng Marawi, tinataboy ang mga Palestino sa kanilang sariling lupa,” komentaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP).
Malinaw ngayon na hanggang pangako lamang ang sinasabing rehabilitasyon at pagbabangon muli ng Marawi sa kabila ng maraming dayuhang tulong na bumuhos para sa syudad. Nagbigay ang US ng Ᵽ1.4 bilyong ayuda, Ᵽ1.1 bilyon mula sa China at bilyong piso rin ang mula sa Russia. Maliban dito, umutang pa si Duterte sa China ng $7.34 bilyon.
Pero, nasaan na ang mga ito? Malamang ang mga pondong ito ay ibinulsa na ng korap na mga upisyal ni Duterte, sabi ng PKP.
Nananatiling hindi nabigyan ng solusyon ang relokasyon ng mga bakwit, anang BHB-Lanao. Sa ngayon mayroon lamang 113 pamilyang nakauwi sa Tolali, Marawi City mula sa 17,768 pamilya, at 100 pamilya lamang ang naroon sa relokasyon ng Pagalatan, Saguiran. Samantala, meron pang 2,943 pamilya sa Boganga Transitory Sites, at marami pa ang nakakalat sa Baloi at Rogongon, Iligan City, Poona Bayabao at Piagapo sa Lanao del Sur, at iba pang mga lugar.
Habang nagdurusa ang mga bakwit sa mga sentro ng ebakwasyon at walang mapagkikitaang kabuhayan, pinag-aawayan pa sa Kongreso ni Duterte ang panukalang batas na Ᵽ30 bilyon hanggang Ᵽ50 bilyong pangkalahatang kabayaran para sa 27,000 pamilyang bakwit.
Sa harap ng kalulunos-lunos nilang kalagayan, nananawagan ang BHB-Lanao “sa lahat ng biktima sa Marawi Siege, walang humpay kaming patuloy na sumusuporta sa inyo. Puno kami ng determinasyong ipaglaban ang inyong karapatan at walang-tigil na maghahabol ng hustisya sa gitna ng masinsing atake-militar ni Duterte. Napatunayan na natin ngayon sa loob ng kanyang limang taong panunungkulan na walang mabubuting nagawa ang gubyernong Duterte matapos ang gera sa Marawi.”
Hinihimok ng BHB-Lanao ang kanilang mga kapatid na Moro na “maging mapagmatyag sa pakana ng gubyerno. Maasahang posibleng mayroon pang malalaking gera na mangyayari na higit pa sa Marawi…” Patuloy na dinideklara ng kasalukuyang rehimen na ang mga “terorista” ay nasa lugar ng Moro. “Hindi bibitiwan ng mga dayuhan at gubyernong Duterte ang Bangsamoro dahil sa maraming minerals na kanilang pinaglalawayan. Dahil dito, pinanatili ang pwersang militar upang depensahan ang kanilang ekonomikong interes at pigilan ang armadong pakikibaka ng mamamayang Moro.”
Anang BHB-Lanao, “naririyan ang batayan upang labanan at pabagsakin ang inutil at traydor na rehimeng US-Duterte. Magkaisa tayo upang lalong palakasin ang Demokratikong Rebolusyon ng Bayan, ang kuta ng lahat nang inaapi at pinagsasamantalahan, na siyang makapangyarihang makapagbabago ng bulok na lipunan!”