Walang engkwentrong naganap sa Palimbang noong Linggo—BHB-Sultan Kudarat

,

Pinasinungalinan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Sultan Kudarat ngayong araw ang iniulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na engkwentro ng 57th IB sa Barangay Tibuhol, Palimbang noong Linggo, Hulyo 10. Sa ulat ng 57th IB, nakasagupa umano nito ang “limang komunistang rebelde” sa naturang barangay bandang hapon noong Linggo.

Inilinaw ng pamprubinsyang kumand ng BHB na wala itong nakasagupang yunit ng militar noong Linggo.

Pinalalabas ng 57th IB na mayroong isang Pulang mandirigmang napaslang sa naturang engkwentro at nakasamsam diumano ng mga kagamitang militar kabilang ang isang .30-caliber Garand, mga bala at personal na gamit.

Ayon sa BHB-Sultan Kudarat, inaalam pa nito ang tunay ng pangyayari kung mayroon bang sibilyang pinaslang ang mga sundalo o gawa-gawang kwento lamang ang ipinakakalat ng mga ito. Ayon sa yunit ng BHB, maaaring “planted” o pag-aari ng mga sibilyang residente ang armas na ipinresenta ng 57th IB sa mga larawang ipinakalat nito sa social media.

Iniulat din ng yunit ang pagpapalipad ng mga helikopter ng Armed Forces of the Philippines sa hangganan ng Palimbang, bayan ng Sen. Ninoy Aquino at Maitum, Sarangani sa nagdaang linggo. Dalawang araw na magkasunod umanong nagpapaikot-ikot ang limang helikopter sa lugar.

Mga Moro at Lumad ang nakatira sa erya na inooperasyon ng mga sundalo. Lumalaban ang mga komunidad sa mapanira at mapandambong na pagmimina at malakihang operasyong pagtotrosong sumisira sa kalikasan.

Samantala, inianunsyo noong Hulyo 12 ng 5th ID ang pagbubuo nito ng isang panibagong task group para umano tuluyan nang wakasan ang “huling larangan” ng BHB sa Central Mindanao. Sasaklawin umano ng 500-kataong Task Force Bangis ang mga prubinsya ng Maguindanao, Sultan Kudarat, at South Cotabato. Kasalukuyang nakapakat rito ang 1st Mechanized IBde.

Sa nagdaang tatlong taon, hindi bababa sa 60 kaso ng mga paglabag sa karapatang-tao ang kinasangkutan ng mga sundalo ng AFP sa tatlong prubinsya.

AB: Walang engkwentrong naganap sa Palimbang noong Linggo—BHB-Sultan Kudarat