Walang naging benepisyo sa konsyumer ang malakihang importasyon ng karne at bigas

,

Walang naging benepisyo sa mga konsyumer ang pagbaha ng imported na karneng baboy at bigas, taliwas sa ipinangako ng National Economic and Development Authority nang ibaba nito ang taripa (buwis sa pang-angkat) at itinaas ang bolyum ng maaaring iimport ng Pilipinas mula sa iba’t ibang bansa. Ito ay dahil nananatiling mataas at nagbabadya pang muling tumaas ang mga presyo ng mga ito sa mga lokal na tindahan. Nalugi din bunga nito ang lokal na mga prodyuser na natutulak sa

Matatandaang ibinaba ni Rodrigo Duterte ang mga taripa sa imported na karne at bigas sa pamamagitan ng Executive Order No. 134 at 135 noong Mayo 2021. Pagdadahilan niya ang pag-agapay sa mabilis na pagsirit ng mga presyo nito noon. Halos isang taon pagkatapos nito, walang signipikanteng pagbaba sa mga presyo. Sa halip, bilyun-bilyong halaga ng buwis ang nawala sa gubyerno.

“Walang naimpok ang mamamayan,” ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura o Sinag. “Kung hindi ibinaba ang taripa sa karne, nakakulekta dapat ang gubyerno ng ₱22 bilyon sa mga import noong 2021,” ayon sa Sinag. Sa taya ng grupo, hanggang ₱10 bilyon lamang ang nalikom ng estado noong nakaraang taon.

“Tumigil ang mga magbababoy na muling magparami ng alaga dahil sa pagbaha ng mga import,” ayon sa grupo. Bumagsak ang produksyon ng karneng baboy sa bansa dulot ng pananalasa ng African Swine Fever na nagsimula noon pang 2019 at nagtagal hanggang 2021 dahil sa makupad na tugon ng estado.

Samantala, wala ring epekto ang buhos ng imported na bigas sa presyo nito sa mga merkado. “Hindi tumaas ang pag-import ng bigas mula sa mga bansang di kasapi ng ASEAN, kahit pa mas mabababa ang presyo ng mga ito,” ayon sa Federation of Free Farmers. Taliwas ito sa pangako ng rehimen na bababa ang presyo ng bigas sa pamamagitan ng pag-aangkat ng mas murang bigas mula sa mga bansa labas ng ASEAN. Kalakhan ng nadagdag na inimport na bigas mula sa mga bansang ito ay ang mamahaling klase at hindi ang ordinaryong klase ng bigas na kinakain ng nakararami.

“Kaya ang nakabenepisyo sa mas mababang taripa ay ang mga importer at mayayamang konsyumer,” ayon pa sa grupo. “Hindi solusyon ang importasyon, mas maasahan pa rin ang lokal na produksyon.”

Hindi nangailangan ng dagdag na importasyon ng bigas noong nakaraang taon, giit ng mga grupo sa agrikultura. Nagtala pa nga ng mataas-taas na bolyum ng ani ang mga lokal na prodyuser sa huling kwarto noong nakaraang taon.

AB: Walang naging benepisyo sa konsyumer ang malakihang importasyon ng karne at bigas