Wanted: 92,000 duktor, 44,000 nars
Kulang na kulang ang mga manggagawang pangkalusugan sa Pilipinas. Sa isang pagdinig sa Kongreso kaugnay sa nararapat na “cap” o bilang ng mga manggagawang pangkalusugan na papayagang lumabas ng bansa, sinabi ng isang upisyal ng Department of Health na nangangailangan ang bansa ng 92,000 duktor, 44,000 nars,14,000 pharmacist at 17,000 radiologic technician at radiologic technologist sa gitna ng pandemya.
Aniya, hindi lahat ng mga lisensyadong duktor at iba pang praktisyuner sa kalusugan ay nagtatrabaho bilang mga manggagawang pangkalusugan. Ipinaliliwanag noon ng nasabing upisyal sa Kongreso ang pagsang-ayon ng DOH sa ipinataw na “cap” o bilang ng mga manggagawang pangkalusugan na papayagang lumabas ng bansa. Sa ngayon, nasa 5,000 hanggang 6,000 lamang na mga manggagawang pangkalusugan ang pinapayagang lumabas ng bansa kada taon para magtrabaho.
HIndi sang-ayon ang mga manggagawang pangkalusugan sa paglimita sa bilang na nais magtrabaho sa labas ng bansa. Anila, may karapatan ang sinuman na pumili ng mapagtatrabahuan. Kung seryoso ang DOH at ang rehimen na paramihin ang nagseserbisyong mga duktor at nars sa loob ng bansa, dapat magbigay sila ng makatarungang sahod at nararapat na benepisyo.
Gayunpaman, hindi malinaw kung plano ang ahensya na punan ang pagkukulang na ito o kung may pondo para rito. Noong nakaraang taon, sinabi na rin ng DOH na kulang ng 15,000 duktor ang bansa para makaagapay sa pandemya. Nagkaroon ng programa ng pag-empleyo ng mga “boluntir” na duktor pero ilan sa mga ito ay umalis na sa serbisyo. (Kabilang dito ang 20 sa 25 boluntir na duktor sa Philippine General Hospital na umalis sa programa noong Setyembre 9.)
Liban sa kasalatan, nahaharap ngayon ang DOH sa maramihang pagresayn ng mga manggagawang pangkalusugan, laluna ng mga nars, dulot ng sobra-sobrang trabaho, paulit-ulit na pagkahawa sa sakit, pagbabarat sa sweldo at pinagkakait na mga benepisyo.