5 magsasaka, inistraping ng PNP-SAF sa Northern Samar
Limang magsasaka ang inistraping ng mga naghuhuramentadong elemento ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Northern Samar.
Inistraping ng mga pulis ang isang magsasaka nang mag-operasyon sa Barangay Rizal, Gamay, Northern Samar noong Agosto 6. Sa ulat ng BHB-Rodante Urtal Command (BHB-RUC), inakala ng mga pulis na sila ang binaril ng nasabing magsasaka. Ang totoo, nangangaso lang ang inosenteng sibilyan. Umilag at kumaripas na lang ito ng takbo upang makaiwas sa mga punglo ng mga pasistang tropa.
Apat pang magsasaka ang inistraping malapit sa isang ilog sa Barangay San Jose, Mapanas noong Agosto 15. Magdidilim na nang makita ng mga pulis ang mga magsasaka kaya pinagkamalan sila bilang mga Pulang mandirigma.
Kinundena ng BHB-RUC ang sunud-sunod na paghuhuramentado ng mga pasistang tropa ng estado sa kanayunan. Nangyari ang mga insidente ng istraping sa gitna ng pinatinding todo-gerra at pagwasak ng rehimeng US-Duterte sa kabaryuhan.