Pagbabawal sa pagbili ng boto sa mga rebolusyonaryong teritoryo
Ang pagbabawal sa mga pulitiko na bumili ng boto ay kabilang sa mga patakaran ng Demokratikong Gubyernong Bayan na ipinatutupad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa loob ng mga rebolusyonaryong teritoryo sa panahon ng reaksyunaryong eleksyon.
Inaabisuhan ang mga pampulitikang partido at mga pulitiko na makipagkonsultahan sa mga lokal na yunit ng BHB na responsable sa pagpapatupad ng patakarang ito at ng iba pang mga hakbangin. Ang layunin ng mga patakarang ito ay tiyakin na ang mga kampanyang pang-eleksyon ay isinasagawa sa maayos na paraan at hindi nagagamit upang mandahas at manakot sa mamamayan.
Ang pagbili ng boto ang isa sa pinakamalinaw na palatandaan ng bulok na sistema ng eleksyon ng reaksyunaryong gubyerno. Sa kanayunan, pinagtitibay at sinasamantala nito ang pyudal na mga relasyon at ipinagpapatuloy ang sistemang padrino sa pulitika na pumapabor sa mga naghaharing uri. Ang mga sangkot sa pagbili ng boto ay yaong pinakabulok na mga pulitiko. Ipinagbabawal sa rebolusyonaryong mga terirtoyo ang pagbili ng boto dahil karaniwang kaakibat nito ang pananakot o pamimilit. Dagdag pa, nagbubunsod ito ng pagkakawatak-watak at alitan sa hanay ng mamamayan dahil sa di pantay-pantay na natatanggap.
Ang sinumang pulitiko na mahuhuli sa aktong bumibili ng boto ay dadakpin at mahigpit na pangangaralan. Kukumpiskahin ang mga salapi at kagyat na ipapasa sa lokal na mga organo ng kapangyarihang pampulitika at iuulat sa nakatataas na mga organo ng gubyernong panteritoryo. Gagamitin ang mga ito bilang pandagdag sa pondo ng mga lokalidad para sa mga programang pangkabuhayan at panlipunan na pakikinabangan ng mamamayan.
Dapat talakayin ng lokal na mga rebolusyonaryong organisasyong masa ang patakarang ito at planuhin ang pagpapatupad. Maaari silang maglatag ng mga plano para kunin ang perang pambili ng boto ng mga pulitiko upang ilagak ito sa kanilang kolektibong pamamahala para matiyak na lahat ng myembro ng komunidad ay pantay-pantay na makikinabang.
Pinapayuhan ang mga pulitikong nais magkaloob ng pera para sa mamamayan na maglaan ng mga pondo sa mga programa ng lokal na mga rebolusyonaryong organisasyon upang makatulong sa pagpapaunlad ng produksyon (tulad ng pagbili ng mga kagamitan sa produksyon o makinarya sa pagsasaka), at pagmamantine ng pampublikong kalusugan (kabilang ang mga suplay para sa mga klinik sa mga komunidad).
Dagdag sa pagbabawal sa pagbili ng boto, ang mga pampulitikang partido at mga pulitiko na nais mangampanya sa loob ng mga rebolusyonaryong teritoryo ay hindi rin papayagang magdala ng mga baril o magsama ng armadong mga tauhan, kabilang ang mga gwardyang militar at pulis o sarili nilang mga maton. Ito ay upang mapigilan silang ipailalim ang mamamayan sa armadong pananakot, gayundin upang maiwasan ang mga armadong labanan sa panahon ng kanilang kampanya.