Parangal kay Ka Bien Lumbera
Nagbibigay-pugay ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at lahat ng rebolusyonaryong pwersa ka Dr. Bienvenido Lumbera (Ka Bien), artista ng bayan at tagapamandila ng rebolusyonaryong kilusan sa kultura sa Pilipinas. Pumanaw si Ka Bien kahapon sa edad na 89. Ipinapaabot ng Partido ang marubdob nitong pakikidalamhati sa pamilyang Lumbera, gayundin sa lahat ng mga kaibigan, kasama at katrabaho ni Ka Bien.
Nakararamdam ng malaking kawalan ang mga rebolusyonaryong pwersa sa Pilipinas, laluna na ang mga nasa pambansa-demokratikong kilusan sa kultura, sa pagpanaw ni Ka Bien. Hindi masusukat ang ambag niya sa teorya at praktika ng mamamayang Pilipino sa rebolusyon sa kultura na kanilang inilulunsad kasabay ng mga pakikibaka sa ekonomya, pulitika at militar. Ang kanyang mga pananaw sa tampok na mga isyu sa kultura at ideolohiya ay palagiang pinahahalagahan dahil sa kanilang matalas at makasaysayang pagsusuri. Si Ka Bien (o Prop. Lumbera sa marami) ay kabilang sa pinakamatatatag na haligi ng pambansa-demokratikong kilusan sa kultura sa Pilipinas. Isa siyang makata, mandudula, at kritiko sa literatura at kultura. Matibay siyang nanindigan sa interes ng mamamayan laban sa naghaharing kulturang burges at pyudal na ipinalalaganap ng mga mapang-api at mapagsamantala.
Si Ka Bien ay isang walang-kapagurang aktibista at organisador. Bilang isang kabataang manggagawa sa kultura, naging inspirasyon niya ang muling pagkabuhay ng patriyotikong kilusan sa maagang bahagi ng dekada 1960 at ang daluyong ng masang aktibismo sa ilalim ng pamumuno ng Kabataang Makabayan at ng musmos pang Partido, gayundin ng rebolusyon sa kultura sa China. Naging tagapangulo siya ng Panulat Para sa Kaunlaran ng Sambayanan (PAKSA), isang nangungunang organisasyong patriyotiko at demokratiko ng mga manggagawa sa kultura noong dekada 1960.
Sa pagsusulong ng patriyotiko, siyentipiko at makamasang kultura, naging target siya ng diktadurang US-Marcos. Inaresto siya at ipinatapon sa kulungan noong 1974. Ang kanyang isang taong pagkakakulong ay ibayo lamang na nagpatatag sa kanyang tapang at determinasyong lumaban. Pumasok si Ka Bien sa lihim na kilusan at lumahok sa rebolusyonaryong gawain sa kultura. Tumulong siya sa paglikha ng mga rebolusyonaryong tula, antolohiya at iba pang likhang sining na nagtaguyod sa armado at malawakang paglaban ng masa sa pasistang diktadura.
Kinilala niya ang mahalagang tungkulin na ginampanan ng mga manggagawa sa kultura sa kilusang masa at sa takbo ng paglulunsad ng rebolusyong panlipunan. Nagsilbi siyang pinuno ng Concerned Artists of the Philippines. Naging pangulo siya ng Alliance of Concerned Teachers, at isa ring kasapi ng Bagong Alyansang Makabayan. Pinangalanan siya bilang National Artist for Literature noong 2006.
Bilang isang manggagawa sa kultura at akademiko, itinaguyod ni Ka Bien ang hangarin at pakikibaka ng mamamayan para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya. Pinuri niya ang mga likhang rebolusyonaryong panitikan sa panahon ng pakikibaka ng mamamayang Pilipino laban sa kolonyalismong Kastila at imperyalismong US at ipinaliwanag ang kanilang pagkakaugnay sa kasalukuyang pakikibaka ng mamamayang Pilipino laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.
Habampanahong aalalahanin ng rebolusyonagyong kilusan si Ka Bien Lumbera bilang isa sa mga dakila sa panitikan at kultura sa rebolusyong Pilipino at bilang isang minamahal na kasama sa pakikibaka.