Sabay-sabay na hambalusin ang tiraniya ni Duterte
Kamakailan ay dumalas ang paglabas ng pasistang tiranong si Rodrigo Duterte sa telebisyon kung saan siya ngumangawa at parang sirang plaka na bumabatikos at nagbabanta sa harap ng malubhang kapalpakan ng kanyang gubyerno na tugunan ang pandemya, ng lumalalim na krisis sa ekonomya, ng pagkakalantad sa korapsyon at lumalalang kaso ng terorismo at pang-aabuso ng estado.
Sa kabila ng pag-aastang malakas, ang tirano at teroristang si Duterte, sa totoo, ay halimaw na nasusukol, humihiyaw at nangangalmot, bumibira kabi-kabila na lahat animo’y mortal niyang kaaway. Dahil dito, ginagawa niyang mas bulnerable sa mga atake ang kanyang sarili at inaanyayahan at ginaganyak ang mas marami pa hambalusin upang wakasan ang kanyang tiranikong rehimen. Siya nga ay kabi-kabilang binibira ngayon habang kinakaharap niya ang namumuong pampulitikang krisis na nagbabantang sumambulat sa darating na mga linggo.
Inaaberya ngayon ang kanyang mga iskema na palawigin ang sarili sa Malacañang lampas ng 2022 at lalupang sarilinin ang kapangyarihan sa paraang elektoral dahil sa pagguho ng kanyang mga pampulitikang alyansa bunsod ng tumitindi niyang kabiguang pagbigyan ang lahat sa sentro ng kapangyarihan. Malinaw ang paglitaw ng kawalan ng tiwala sa isa’t isa sa loob ng alyansang Duterte. Taliwas sa kanyang deklaradong layuning palakasin pa ang kanyang pusisyon, ang kanyang pag-anunsyo ng planong pagtakbo bilang bise-presidente kasama ang kanyang anak o alipures bilang presidente sa kapareho o magkaibang partido ay lalupang naghihiwalay sa naghaharing pangkat. Sapagkat nag-aalala na maetsapwera, ang mga Marcos, Arroyo at iba pang alyado ay nag-iinisyatiba ngayon na pigilang mapunta ang lahat ng kapangyarihan sa mga Duterte.
Dahil sa pakana ng mga Duterte na agawin ang mas malaking kapangyarihan, nagkawatakwatak ang naghaharing partidong pulitikal na PDP-Laban at nag-alitan ang dati niyang pinakamalalapit na tagasuporta sa pulitika. Kamakailan, ang National Council ng PDP-Laban sa ilalim ng paksyong Pimentel-Pacquiao, na diumano’y may mas malawak na suporta sa masang kasapian, ay bumoto para patalsikin si Duterte sa kanyang pusisyon bilang tagapangulo, ilang linggo matapos siyang piliin ng kanyang paksyon bilang kandidato sa pagka-bise presidente kasama ang kanyang alipures na si Bong Go bilang kandidato sa pagkapresidente.
Higit sa nakaraan na nahihiwalay ngayon ang naghaharing pangkating Duterte. Mabilis na nalalantad ngayon ang malakihang kaso ng korapsyong kinasasangkutan mismo ni Duterte at ng kanyang pinakamalalapit na mga upisyal. Ang mga ordinaryong Pilipino ay nagngangalit sa mga ulat ng Commission on Audit na naglantad sa mga anomalya sa halos lahat ng malalaking ahensya ng gubyerno sa ilalim ni Duterte. Nagngingitngit sila dahil nagsisibundatan ang mga burukrata at mga upisyal ng militar sa pagwawaldas, pandarambong at pagkulimbat ng daan-daang bilyong piso sa panahon ng pandemya habang mayorya ng mamamayang Pilipino ay lugmok sa kawalan ng trabaho, kahirapan at kagutuman.
Matindi ang galit ng mga Pilipino sa pagkaka-imbwelto ng kalihim ni Duterte sa kalusugan, mga upisyal sa badyet at iba pang alipures ni Duterte sa maanomalyang ₱8-bilyong kontrata sa pagbili ng napakamahal na mga face mask at face shield, personal protective equipment (PPE) at iba pang kagamitang medikal mula sa isang kaduda-dudang kumpanyang Chinese na suportado ni Duterte. Naisiwalat ang ugnayan ni Duterte sa ipinalabas na bidyo sa pagdinig kamakailan ng Senate Blue Ribbon Committee na nagpakita ng pakikipagpulong niya sa Pharmally Corporation noong 2017, na ang mga upisyal ay tinutugis sa Taiwan dahil sa kriminal na paglustay ng pondo sa bansa.
Ang buhul-buhol na hibla ng korapsyong nakaugnay kay Duterte ay nakatakdang kalagin sa susunod pang mga pagdinig na isasagawa ng mga senador. Sa kabila ng pang-aalimura ni Duterte sa kanila, ang mga senador na ito ay desidido at nagdeklarang hindi yuyuko sa pagpupumilit na ihinto ang kanilang imbestigasyon. Ang kanilang mga pagdinig ay sabik na inaabangan ng mamamayang nagnanais malaman ang katotohanang itinatago ni Duterte sa pamamagitan ng pagpapanggap at pagyayabang.
Umaalingasaw sa korapsyon at krimen si Duterte. Siya ang numero-unong burukratang kapitalista at nakikipagsabwatan sa malalaking negosyo upang pagkakitaan ang mga kontrata ng gubyerno at iba pang kasunduan. Ginagamit niya rin ang kanyang kapangyarihan para protektahan at hingan ng suhol ang malalaking sindikato ng droga na mula 2017 ay namayagpag sa pagpapasok ng mga kontrabandong shabu at iba pang droga. Sa lawak ng saklaw ng korapsyon at kriminal na aktibidad ng naghaharing pangkating Duterte, hindi nila kakayaning habpampbanahong itago ang mga ito.
Ang higanteng korapsyon ni Duterte ay pinatingkad ng labis na pagdurusa ng mamamayan sa papalubhang krisis pangkalusugang dulot ng kabiguan ni Duterte na mamuno para harapin ang pandemyang Covid-19. Araw-araw ay naitatala ang pinakamatataas na bilang ng hawaan ng hindi pa rin nasasawatang Covid-19, na siyang lumulumpo sa mga ospital at pasisilidad pangkalusugan, at labis na bumabanat sa mga manggagawang pangkalusugan.
Malamang na tatlo o apat na beses na mas marami kaysa iniuulat ang tunay na bilang ng kaso dahil lubhang kulang ang testing para sa Covid-19 kung saan halos 30% ang nagpopositibo sa arawang tinestesting (kumpara sa dapat ay 5% lamang na postivity rate na itinakda ng World Health Organization). Nananatili ang arawang testing ng Covid-19 sa higit-kumulang 60,000 samantalang dapat ay nasa 400,000 hanggang 450,000 na ito kada araw.
Nakatakdang lumubha pa ang krisis pangkalusugang Covid-19 sa Pilipinas matapos sumuko sa aktwal ang rehimeng Duterte sa bayrus nang mag-anunsyo itong hindi na epektibo ang mga lockdown nito sa pagpapababa ng bilang ng impeksyon. Dahil sa matinding pagkalugi sa ekonomya dulot ng higit isang taong lockdown, nagdeklara ang mga upisyal ni Duterte na magpapatupad na lamang sila ng mga “granular lockdown.” Gayunpaman, dahil sa lubhang kakulangan sa mass testing at contact tracing, nananatiling bulag ang mga upisyal sa kalusugan sa bilis at direksyon ng pagkalat ng impeksyon, kaya huling-huli at walang-walang kakayahan ang gubyerno na epektibong tukuyin saan akmang ipatupad ang mga lokal na lockdown. Sa harap ng tuluy-tuloy na mabilis na pagkalat ng bayrus, at bigong pagprayoritisa sa pagpapalakas ng sistemang pangkalusugan, di magtatagal ay babalik din ang rehimen sa malawakang-saklaw na mga lockdown sa iba’t ibang bahagi ng bansa o haharapin ang nakagugupong bilang ng mga impeksyon.
Patuloy na isinasawalambahala ni Duterte ang mga kahingian para itaas ang kapasidad ng bansa sa mass testing, contact tracing at palawakin ang kapasidad ng mga pampublikong ospital at pasilidad pangkalusugan. Bigong-bigo ito na tugunan ang kapakanan ng mga nars at manggagawang pangkalusugan na pinahihirapan ng mapang-aping mga kalagayan sa trabaho, mababang sweldo at kawalan ng kumpensasyon. Makaisang-panig na sumasalig ang rehimen sa pagbabakuna bilang solusyon sa pandemya, ngunit hindi ito naglaan ng sapat na halaga para sa pagbili ng mga bakuna at labis lamang na umasa sa mga donasyon at dayuhang utang. Apektado rin ng paboritismo ng mga pulitiko ang kampanya sa pagbabakuna, laluna’t nagpupusisyunan na sa eleksyong 2022. Sa huli, ang pagsalig sa bakuna bilang solusyon sa pandemya ay hindi magiging sapat sa harap ng kawalan ng kumprehensibong pagtugon sa pampublikong kalusugan, at mas malala, ay gagamitin upang bigyang matwid ang di-makatarungang mga patakaran na lalabag sa batayang karapatan ng mamamayan. Walang pondong nakalaan upang palawakin ang kapasidad o magtayo ng bagong mga laboratoryo, ni walang plano na maglatag ng epektibong sistema ng contact tracing. Binawasan pa nang 73% ang panukalang badyet ng DOH para sa Covid-19 sa 2022.
Labis na pinagdurusahan ng buong populasyon ng mga Pilipino ang pandemyang Covid-19 dahil sa dambuhalang kapalpakan sa paggugubyerno ni Duterte at kanyang mga upisyal na isaayos ang nararapat na wastong mga hakbang. Ang tangkang pagmenos ni Duterte sa “relatibong maliit” na bilang na 30,000 namatay na Pilipino ay nagpapakita ng sukdulan niyang kawalang-puso at malalim na paghamak sa paghihirap ng sambayanang Pilipino.
Ang kapalpakan ng rehimen na mamuno sa gitna ng pandemya ay nagpalalim at nagpalubha rin sa krisis sa ekonomya. Pinalala ito ng pagtupad ng ibayong liberalisasyon sa pag-aangkat na sanhi ng malawakang pagkalugi sa sektor ng agrikultura. Ilang milyong mamamayan ang nawalan ng trabaho at kabuhayan noong nakaraang taon, kapwa sa mga syudad at kanayunan. Labis ding pabigat sa ekonomya ng Pilipinas ang pagkasaid ng mga pamumuhunan dahil sa pandaigdigang pagtumal ng produksyon bunga ng kapitalistang labis na suplay at mga lockdown dulot ng pandemya. Upang makaakit ng dayuhang mga mamumuhunan, nagpatupad si Duterte ng mga insentiba sa pagbubuwis upang payagan ang dayuhang mga kapitalista na magnegosyo nang hindi nagbubuwis, matapos magpataw ng mabibigat na buwis sa ordinaryong mga Pilipino.
Binangkarote ni Duterte ang kanyang gubyerno sa pamamagitan ng malawakang korapsyon at paglustay ng mga rekurso para sa kanyang magastos na gerang kontrainsurhensya. Umasa siya sa walang-patid na dayuhang pangungutang na nagpasirit sa pampublikong utang sa walang kapantay na antas. Pinalobo niya ang pampublikong utang tungong ₱11.6 trilyon, halos doble ng ₱5.9 trilyon nang magsimula siya sa pagkapresidente noong 2016. Inaasahang lalupang lolobo ang pampublikong utang tungong mahigit ₱13 trilyon sa pagtatapos ng termino ni Duterte sa 2022. Hinihigop ng pambayad utang ang halos kalahati ng rekurso ng estado, na ipinapasa naman sa mamamayan sa anyo ng pahirap na dagdag buwis.
Sa nagdaang taon, dumausdos nang walang-kapantay ang antas ng sosyo-ekonomikong kalagayan ng mamamayan dahil sa paulit-ulit at mahahabang pagpataw ng mga lockdown ng militar at pulis nang walang kaukulang pagtugon sa pampublikong kalusugan. Ang matarik na pagsirit ng presyo ng pagkain, produktong petrolyo, gamot at iba pang batayang pangangailangan at ang malalim na pagbulusok ng halaga ng piso ay nagresulta sa maramihang bilang ng naghihirap at nagugutom. Ang naghahabaang pila sa mga bayanihang community pantry ay pagsakdal sa palpak na pagtugon ng rehimen sa krisis.
Sa kabila ng desperadong kalagayang pilit kinasadlakan ng milyon-milyong mamamayan dahil sa mga kapalpakan ni Duterte, winalang-bahala niya ang malawakang sigaw para sa makabuluhang halaga ng pang-ekonomyang subsidyo upang makaagapay sa krisis ang lugmok na mamamayan. Mas malubha, kinurakot pa ng mga ahensya ni Duterte at mga pribadong kumpanya ang kakarampot na halagang ipinamahagi. Malaking kapalpakan ang sistemang pagseguro sa pampublikong kalusugan o PhilHealth dahil sa korapsyon at nanganganib na magdulot ng mga pagkalugi at pagkabangkarote ng mga pribadong pasilidad pangkalusugan.
Habang nagdurusa ang milyon-milyong pamilyang Pilipino sa kahirapan at gutom, patuloy na binubuhusan ni Duterte ng bilyun-bilyong piso ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) at pinaiigting ang brutal na gera nito laban sa sambayanang Pilipino. Bilyun-bilyong piso ang nilulustay nito sa magastos na paggamit ng mga helikopter at eroplanong pandigma, paghuhulog ng 500-librang mga bomba at walang habas na panganganyon at istraping sa kanayunan na nagsasapanganib at naghahatid ng takot sa sibilyang populasyon at sumisira sa kapaligiran at likas na pinagkukunan ng kabuhayan ng mamamayan. Walang-patid ang utos ni Duterte sa militar at pulis na kampanya ng maramihang pagpaslang, pag-aresto, pagdukot, tortyur, pag-okupa sa mga komunidad, pwersahang pagpapasurender at iba pang brutal na anyo ng panunupil.
Isinasadlak ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino sa malulubhang anyo ng pagsasamantala at pang-aapi sa gitna ng pandemya. Wala silang magagawa kundi isigaw ang kanilang matinding galit at labanan ang korap, mapang-api at tiranikong rehimen. Pumuputok at lalong lalakas ang mga protestang masa habang patuloy na ipinamamalas ni Duterte ang pagkamanhid sa paghihirap ng naghihikahos at inaaping masa. Ganap na inilantad ng nagdaang mga protestang masa ng mga nars at manggagawang pangkalusugan ang kapalpakan ng gubyernong Duterte na mamuno sa gitna ng pandemya at krisis. Marami pang mga protesta at koordinadong aksyong masa ang sasambulat sa darating na mga linggo sa gitna ng lumulubhang pandemya, pagkabunyag sa korapsyon at habang tumitindi at hindi na matiis ng mamamayan ang kanilang paghihirap dahil sa krisis na Duterte.
Kinakaharap ng mamamayan ang pangkagipitang sitwasyon sa kalusugan, ekonomya at pulitika na malulutas lamang ng kagyat at agarang aksyong wakasan ang inutil, korap, taksil, tiraniko at teroristang rehimen ni Rodrigo Duterte. Ang paglaban ang natatanging makatwirang hakbang ng sambayanang Pilipino upang malampasan ang kasalukuyang krisis. Sa susunod na mga linggo, dapat sabay-sabay na hambalusin ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino ang halimaw na Duterte.
Habang binabayo ng tumitinding pampulitikang krisis ang kontra-mamamayan at tiranikong rehimeng Duterte, dapat paigtingin ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa pamumuno ng Partido ang kanilang mga pagsisikap na pukawin ang mamamayan at gabayan sila sa pagkilos. Dapat silang magsilbing solidong bag-as ng malawak na mga protestang masa kapwa sa mga syudad at kanayunan.
Dapat walang-kapaguran at maramihan nilang pukawin ang mamamayan. Dapat silang magsagawa ng malawakang mga pag-aaral at pagpopropaganda upang itaas ang pampulitikang kamulatan at militansya ng mamamayan. Dapat tuluy-tuloy na itinatayo, pinalalapad at pinalalakas ang mga organisasyong masa upang buklurin ang milyon-milyong mamamayan at maramihan silang pakilusin.
Bawat sektor na nagdurusa sa lumulubhang kalagayan ay dapat magsagawa ng mga organisadong aksyon upang palakasin ang kanilang sigaw at isulong ang kanilang mga kahingian. Sa mga darating na linggo, maaaring tipunin sa mga protesta sa lansangan ang mga pulong sa mga komunidad, asembliya sa mga pabrika at upisina at online na mga pagtitipon na hatak ng kolektibong galit ng mamamayan at kanilang sigaw na wakasan ang paghahari ng halimaw na Duterte.
Sabik na nakaantabay ang malawak na masa sa darating na mga pagdinig sa senado kaugnay ng malawakang korapsyong kinasasangkutan ni Duterte at kanyang pinakapinagkakatiwalaang mga utusan. Maaari silang mag-organisa kaugnay nitong mga pagdinig. Maaari nilang suportahan ang mga ito sa pamamagitan ng mga aksyong masa upang palakasin ang kanilang sigaw na ang mga sangkot ay papanagutin at parusahan sa kanilang walang-kapatawarang mga krimen.
Paborable ang kalagayan para mapangahas na palawakin at palakasin ang nagkakaisang prente ng lahat ng pwersang anti-Duterte. Ang malawak na kilusang masa ng mga pwersang demokratiko at makabayan, pampulitikang oposisyon at iba pang progresibong sektor at organisasyon ay dapat mahigpit na magbuklod upang kumilos sa harap ng namumuong krisis sa pulitika at samantalahin ang mga salik upang lalong pahinain, ihiwalay at patalsikin ang rehimeng Duterte sa pinakamaagang pagkakataon.
Sa mga sonang gerilya, dapat ibuhos ng lahat ng yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang lahat ng pagsisikap na maglunsad ng malalaki at maliliit na taktikal na opensiba sa darating na mga linggo upang birahin ang rehimeng Duterte at parusahan ang mga pasistang armadong maton nito sa kanilang mga krimen laban sa mamamayan. Dapat umalingawngaw ang mga tagumpay ng BHB sa buong bansa upang palakasin ang loob ng mamamayan na tumindig at isulong ang kanilang mahirap na paglaban sa tiranikong rehimen.