10 umanong Sumukong mga NPA, FAKE NEWS!

,

Panibagong Fake News ng 9th Infantry Division – Phil. Army ang 10 umanong sumukong mga NPA sa kanilang headquarters. Batay sa kumpirmasyon ng mga yunit ng Pulang Hukbo sa Camarines Sur at maging sa iba pang mga prubinsya, walang ulat na may sumuko mula sa anumang yunit nito bagkus dumaragdag pa nga ang mga bagong rekluta. Malamang ay pawang mga sibilyan ang naturang mga pinilit sumuko at muling ginamit ng militar ang mga recycled na baril sa ganitong palabas na humihina na ang Hukbong Bayan sa rehiyong Bikol at nagtatagumpay ang operasyong COIN (counter-insurgency) mula sa Field Manual ng US Department of Defense.

Taliwas sa karaniwang padron ng pagmamayabang 9th IDPA ang sirkumstansya ng pagsuko. Kahina-hinalang walang maibigay ang tagapagsalita ng dibisyon na si Capt. John Paul Belleza na mga batayang detalye tulad ng lugar at alyas ng ilang mga umano’y sumuko na karaniwan naman nilang ibinubunyag sa publiko. Kung totoong may sumuko, batid naman ng dibisyon na hindi nila kailangang itago ang naturang mga detalye higit at laging nasa kaalaman ng BHB-Bikol ang galaw ng mga pwersa nito. Maaring maghilera na naman ng mga elementong CAFGU at militar na may mga takip ang mukha para sa “photo-ops” kasabay ang mga sirang baril mula sa kanilang arsenal.

Desperadong estilo ng 9th IDPA ang magpalabas ng mga pekeng surenderi higit ngayong Kapaskuhan sa pag-aakalang masisilaw ang Pulang Hukbo na bitawan ang kanilang mga armas at magbalik sa kanilang mga pamilya upang ipagdiwang ang Kristyanong tradisyon. Sa dinami na ng nakubrang kurakot ng mga upisyal ng 9th IDPA mula sa kada surenderi, ni hindi nga mapigurahan ni Capt. Belleza kung ilan na ba talaga ang umano’y mga sumurender na kasapi o suportador ng NPA sa Kabikulan. Mapapansin ding pinalitan na ang ang modus na daan-daang pasuko tungo sa pasampu-sampu at patingi-tinging pagsuko matapos malantad ang 306 pekeng pasuko sa Masbate noong Disyembre 2019.

Sa absolutong pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, pinanday ang Bagong Hukbong Bayan bilang tunay na Hukbo ng masa. Hindi sila terorista at sa halip ay may matibay na paninindigan at diwang rebolusyonaryo. Sila ay magigiting na mga anak ng bayan at pinangingibabawan ang lungkot, hirap at sakripisyo upang lubusang ialay ang sarili upang paglingkuran ang sambayanan. Nananatiling malakas, matatag at kailanma’y hindi malilipol ang Pulang Hukbo dahil mulat sila sa tungkuling ipagtanggol ang masa sa pagsasamantala’t pang-aapi.

Sa katunayan, nasa rebolusyonaryong kilusan lahat ng rason upang magdiwang. Nakikiisa ang Pulang Hukbo sa rehiyon sa mamamayang Bikolano sa pagdiriwang ng Kapaskuhan. Ipagdiriwang din nila ang panibagong pagkabigo ng 9th IDPA na durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon. Higit sa lahat, ipagdiriwang nila ang ika-52 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas at ang paparating na taon taglay ang higit pang determinasyon at pagpupunyaging magkamit ng ibayong tagumpay at isulong ang digmang bayan sa higit pang mataas na antas.

Kung mayroon mang dapat tuunan ng atensyon ang mga upisyal ng 9th IDPA, ito ay ang mga pagod at demoralisado nilang tropa na sinasagad ni Duterte at ng mga upisyal ng AFP-PNP sa pag-atas ng walang prenong operasyong militar kahit Kapaskuhan. Samantalang sila’y sinasabak sa tuluy-tuloy na operasyon, ipinangno-noche buena lang ng mga upisyal ng 9th IDPA ang P650,000 nakubra sa sampung pekeng pinasukong ito. Dagdag na bigat ito sa konsensya ng mga sundalong nasusuklam tumanggap ng dobleng sahod kapalit ang mahihirap, mapangamba at mararahas na operasyong militar na sibilyan ang tinatarget, hindi NPA. Nagrereklamo din sila sa katakut-takot na kurakot ng kanilang mga upisyal mula sa mga pekeng pasuko at sa mga pakitang-taong proyektong mula sa pondo ng NTF-ELCAC.

Hinihikayat ng RJC-BHB Bikol sa mga kapanalig nitong kagawad sa midya na higit pang maging mapanuri. Pinatunayan niyo ito sa ilang mga karanasan nang pagsiwalat sa modus ng militar, tulad ng pekeng mga pasuko sa Masbate. Hindi dapat kayo maging mga daluyan ng pekeng balita at kasinungalingan ng militar. Ipinapaalala ng Maguindanao Massacre at ng kasalukuyang kalagayan ng midya sa ilalim ng rehimeng US-Duterte ang dakilang responsibilidad ng naturang institusyon bilang daluyan ng katotohanan. Hindi dapat maging kasangkapan ang pamamahayag ng ‘4th State Terrorism’ na laganap sa daigdig at sa bansa sa pamamagitan ng Corporate Media at mga institusyong katulad na pag-aari at bayaran ng mga pulitiko. Ang Propesyunal na Pamamahayag ay dapat manindigan sa malayang pamamahayag at iba pang batayang kalayaan at karapatan upang umiral ito. Matalas ang pampulitikang pandama ng mamamayan at hindi dapat insultuhin ang dunong ng masa at mga Bikolano sa bumabahang disimpormasyon ng gobyernong Duterte at sandatahang lakas nito. Kung tutuusin, ang tunay na factchecker ay ang masang kongkretong dumaranas ng kahirapan, pagsasamantala, kaapihan, karahasan, panlilinlang, red-tag, panunugis at pamamaslang sa ilalim ng higit pang nabubulok na sistema ng lipunang Pilipino.#

10 umanong Sumukong mga NPA, FAKE NEWS!