13 AFP kaswalti sa ambus ng LPC-NPA laban sa 62nd IB sa Guihulngan, paggawad ng hustisya sa mga biktima ng Oplan Sauron
Read in: Hiligaynon
Matagumpay na tinambangan ng yunit ng Leonardo Panaligan Command-New People’s Army (LPC-NPA) ang dumadaluhong na mga pasistang tropa ng 62nd IB-Philippine Army nitong Enero 16, 2021, ala-1:00 ng hapon sa Sityo Batong-Buang, Brgy. Trinidad, Guihulngan, Negros Oriental.
Naganap ang pananambang sa gitna ng operasyon ng nasabing yunit militar na mula pa noong Enero 10 ay tumutugis sa mga rebolusyonaryong pwersa laluna sa CPP-NPA.
Resulta nito, nagtamo ng 13 killed-in-action (KIA) ang mga tropa ng 62nd IB at may iba pang mga sugatan na direktang tinamaan ng command-detonated explosive (CDX). Samantalang ligtas na nakaatras ang yunit ng LPC-NPA pagkatapos ang limang minutong ambus.
Hindi totoong dalawang serye ang nangyaring engkwentro, ang totoo’y nangyari ang mis-encounter sa pagitan ng 62nd IBPA bandang alas 4:30 ng hapon. Resulta ito ng walang patumanggang pagpaputok ng nerbyusong kasapi ng 62nd IB at mga CAFGU.
Lubusang kinukundena ng LPC-NPA ang pagdukot kay Anselma Garde, isang mahirap at inosenteng magsasaka, 31 taong gulang na dalaga ng Sityo Batong-buang, Brgy. Trinidad ng nabanggit na syudad. Ginawa ng 62nd IB ang pagdukot kay Garde noong Enero 17, alas 10:00 ng umaga na hanggang sa ngayon ay hindi pa makikita ng pamilya at ng mga residente.
Mariing din na kinukundena ng LPC-NPA ang walang-habas na pambobomba ng militar gamit ang mortar mula sa Casingan Army Detachment, saklaw ng Brgy. Trinidad, at air strike gamit ang helikopter sa mga magubat na bahagi ng mga barangay ng Sandayao, Trinidad, Binobohan, Imelda at Tacpao. Nagresulta ito ng pagbakwit ng daan-daang pamilya sa lugar kung saan nagdislokar ng kanilang kabuhayan.
Ang taktikal na opensibang ito ay sagot sa demanda ng mamamayan sa Central Negros na naghahanap ng katarungan sa mga biktima ng Oplan Sauron at iba pang mga porma ng nagpapatuloy na paglabag sa karapatang-tao sa gitna ng krisis sa ekonomya at pandemyang Covid-19 na kinakaharap ng mamamayan ngayon.
Magkaisa at makibaka! Biguin ang Oplan Kapanatagan at ang NTF-ELCAC! Durugin ang rehimeng US-Duterte!