203rd Brigade at PNP-SAF bigong lipulin ang 5 kataong tim ng NPA-Mindoro

,

Binibigyang pugay ng Lucio De Guzman Command ang kagitingan ng 5 kataong tim nito na buong giting at ubos lakas na nilabanan ang pagsalakay ng pinagsanib na pwersa ng 4th IBPA, 76th IBPA, 68th IBPA at PNP-SAF sa tatlong magkakasunod na labanan noong umaga ng Abril 25 sa Brgy. Iriron at Malpalon, bayan ng Calintaan, Occidental Mindoro.

Sobrang desperado ang mga pwersa ng 203rd Brigade at PNP-MIMAROPA ng teroristang rehimeng US-Duterte sa paggamit nito ng labis-labis na pwersa mula sa pinagsanib na tropa ng apat na pangmaniobrang batalyon, dalawang tangke de-gera at dalawang helikopter laban sa 5 Pulang mandirigma na masikhay na naggagawaing masa sa nabanggit na mga lugar. Ngunit nabigo nilang lipulin ang tim ng magigiting na Pulang mandirigma. Nagawa ng tim na makawala sa pag-ensirkulo ng kaaway, ligtas na makaatras ng karamihan at magawang pinsalain pa ang umaatakeng pasistang pwersa.

Hindi naipagkaila ng 203rd Bde ang isang sugatan sa kanilang panig. Ayon sa ulat ng tim na napasabak sa labanan at sa mga masang nakasaksi, napatay ang limang pwersa ng 203rd BDE at PNP-SAF bukod pa sa isang sugatan sa tatlong magkasunod na labanan.

Sa serye ng mga labanan, nagbuwis ng kanyang buhay si Irene “Ka Gisel” Carias, isang babaeng Pulang mandirigma at katutubong Hanunuo Mangyan habang magiting na nakikipaglaban sa mga pasista. Nasawi din sa labanan ang sibilyang si G. Roberto Halig na nakipagkita lamang sa kanyang kaibigang nasa loob ng yunit ng BHB. Naobliga siyang depensahan ang sarili at ang mga masa kaya dinampot niya ang armas na nabitiwan ni Ka Gisel at magiting na nilabanan ang umaatakeng kaaway hanggang sa siya ay mapaslang ng mga pasista.

Nagpatupad ng food blockade ang galit at gigil na gigil na mga pasista sa mga barangay ng Calintaan hanggang Rizal mula Abril 26 hanggang 27. Pinagbawalang magdala ng pagkain at pumunta sa kanilang kaingin ang mga magsasaka at katutubo sa mga lugar na ito. Layunin diumano ng pagbabawal na ito ay upang gutumin ang mga Pulang Hukbo na kanilang hinahabol. Dahil dito, naperwisyo nang husto ang mga mamamayan ng dalawang bayan laluna’t panahon ngayon ng pagkakaingin (pagtatanim) na lubhang kailangang kailangan ng mga magsasaka at katutubo nang sa gayon ay matiyak na may aanihin at makakain ang kanilang pamilya tatlong buwan mula ngayon. Dapat itong kondenahin at buong tapang na labanan ng mamamayan.

Iginagawad ng LDGC-NPA-Mindoro at buong rebolusyonaryong kilusan laluna ng mga mamamayang Mindoreño ang pinakamataas na pagpupugay sa kadakilaan ni Ka Gisel bilang isang kabataang Pulang mandirigma. Nagmula siya sa hanay ng katutubong Mangyan. Bilang kabataan at babae, sinisimbolo ni Ka Gisel ang isang rebolusyonaryo at makabagong kababaihang Mangyan na tumitindig at lumalaban para sa karapatan sa sariling pagpapasya at pagtatanggol sa lupang ninuno. Tulad ng mayorya ng mamamayang Pilipino na dumaranas ng pagsasamantala at pang-aapi, ipinaglalaban ni Ka Gisel ang mithiing kamtin ang tunay na hustisya, kalayaan at maaliwalas na kinabukasan para sa kanilang pamayanan laban sa pambansang pang-aapi, diskriminasyon at pagsasamantala.

Pinapaabot din ang taus-pusong pakikiramay sa naulilang pamilya ng sibilyang si G. Halig na pinaslang ng mga pwersa ng 203rd Brigade. Tinitiyak ng LDGC-NPA-Mindoro at ng buong rebolusyonaryong kilusan na mabibigyan ng rebolusyonaryong hustisya ang pagpaslang kay G. Halig kasama ng iba pang mga mamamayang biktima ng pamamaslang at inhustisya ng kasalukuyang tiraniko at kriminal na rehimeng US-Duterte.

Ang ibinuwis na buhay ni Ka Gisel at ni G. Halig, kasama ng libu-libong martir ng rebolusyon ay nagbibigay inspirasyon sa marami pang masa ng sambayanan upang tumangan ng armas at isulong ang adhikain na pinagbuwisan nila ng buhay. Ang kahirapan at kaapihan ng mamamayang Mindoreno ay nagsisilbing matabang lupa sa ibayo pang paglakas ng rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan at ng armadong pakikibakang isinusulong ng Bagong Hukbong Bayan sa ilalim ng absolutong gabay ng Partido Komunista ng Pilipinas (MLM).

Pulutin natin ang armas na nabitawan ng mga dakilang martir ng rebolusyon sa kanilang pagkabuwal sa kamay ng mga pasista. Ibaling natin ang pagluluksa sa ibayong katapangan at ibuhos ang galit sa mga pasistang na duguan ang kamay sa pagpaslang sa mga tunay na bayani ng masang inaapi at pinagsasamantalahan.

Buong sigasig na kumilos at isulong ang digmang bayan hanggang sa ganap na tagumpay!

Bigwasan hanggang sa bumagsak ang tiraniko at kriminal na rehimeng US-Duterte!###

203rd Brigade at PNP-SAF bigong lipulin ang 5 kataong tim ng NPA-Mindoro