203rd Brigade, Philippine Army-PNP-MIMAROPA perwisyo sa mga bata at kabataan, tunay na terorista ng Mindoro!

,

Lansakang nilapastangan ang karapatan ng 4-na-taong gulang na batang si MJ at ng kanyang tagapangalaga nang sapilitang tinangay ang bata ng mga elemento ng 203rd Brigade, Phil Army noong Mayo 12, alas-7 ng gabi sa Sityo Ambuyan, Barangay Pitogo, Rizal, Occidental Mindoro.

Si MJ ay anak ng health worker at dating Morong 43 na si Emilia Marquez na muling iligal na inaresto at ikinulong noong 2017 habang ipinagagamot ang noo’y isang buwang gulang na sanggol na si MJ sa sakit na meningitis. Dinakip siya ng PNP-Mimaropa at 203rd Brigade, Philippine Army sa mismong ospital sa Calapan City sa bisa ng mga gawa-gawang kasong kriminal. Ang ama naman ni MJ ay sinampahan din ng gawa-gawang kaso at tinugis kung kaya’t napilitan siyang paalagaan si MJ sa kanyang kamag-anak upang iligtas ito sa anumang maruming pakana at terorismong hasik ng rehimeng Duterte matapos silang biktimahin ng mga sundalo’t pulis.

Apat na taong nagsilbing mabuting guardians ng bata ang pamilya Fernandez na nagmalasakit sa kinahinatnan ng pamilya ni MJ. Ang pagmalasakit na ito ay ginawaran ng berdugong 203rd Brigade ng ala-tokhang na pagsalakay sa kanilang bahay na animo’y may krimen silang ginagawa. Sampung armadong elemento, kasama ang say-ops operatibang si Corp. Lerma “Liway” Bulaklak ang nagsagawa ng nasabing operasyon. Pinatay muna ang ilaw sa magkalapit-bahay saka sumugod ang mga ito at nagpanggap pang NPA. Tinutukan ng baril at tinakot ang pamilya, saka sapilitang tinangay si MJ na walang tigil ang pag-iyak habang pumapalahaw din ang apat na anak ng mag-asawang Fernandez dahil sa takot, trauma at pagkawalay kay MJ na itinuring nilang bahagi na ng pamilya.

Ang mga Fernandez ay muntik nang sagasaan pa ng mga sundalo ng kanilang SUV pick-up truck hanggang sa tuluyang maitakas si MJ.

Sa pangyayaring ito, matinding trauma ang idinulot di lamang kay MJ kundi sa pamilya na tumayong guardians niya. Malinaw na ito’y paglabag sa karapatang-tao. Nasa likod ng pagdukot sa bata ang maitim na hangaring gamitin siyang pampulitikang kasangkapan sa say-ops upang pasunurin ang mga magulang ni MJ sa imbing layunin ng rehimeng Duterte sa kontra insurhensya.

Subalit katotohanan ang nagpapatunay na ang pagkakahiwalay ng bata sa kanyang mga magulang ay dulot ng pag-aresto at pagbinbin sa ina at ang pagtugis sa ama ng bata dahil sa gawa-gawang kasong isinampa sa mga ito ng 203rd Brigade- PNP-MIMAROPA. Walang konsensyang binalewala ng pasistang galamay ng rehimeng US- Duterte ang kapakanan ng bata at itinuring pang kriminal ang nagmalasakit na pamilyang nagkupkop sa kanya matapos ang pag-atake sa kanyang mga magulang.

Nais pang dungisan ang prestihiyo ng rebolusyonaryong kilusan nang nagpanggap na NPA ang mga berdugong sundalong tumangay sa bata. Noong nalantad ang kanilang marahas na pakana, pinagtatakpan ito ng katwirang diumano’y nais lamang ibalik ang bata sa kanyang ina samantalang sila itong dahilan kung bakit napahiwalay ang bata sa kanyang mga magulang. Sila ang ilegal na dumakip at nagkulong kay Marquez sa loob ng apat na taon. Sila din ang dahilan upang magkawatak-watak ang pamilya.

Huwag nating palampasin ang katulad na paglabag sa karapatan ng mamamayang Mindoreño laluna ang paglabag sa karapatan at kagalingan ng mga bata. Ang maruming gyera ng rehimeng US-Duterte sa kontra-insurhensya sa balangkas ng JCP-Kapanatagan at Executive Order No. 70 na nagbuo ng NTF-ELCAC ay bumibiktima sa mga di-armado at walang kalaban-laban na mga sibilyan. Ang masama pa maging ang mga bata ay ginagamit para sa maruming psy-war operations.

Ang NDFP at ang buong rebolusyonaryong kilusan ay mahigpit na tumatalima at itinataguyod ang probisyon ng UN Convention on the Protection of the Rights of the Child na pinagtibay noong Nobyembre 20, 1989.

Nananawagan ang NDFP-Mindoro sa lahat ng mamamayan na tutulan ang anumang anyo ng atrosidad ng estado lalo na kapag apektado ang mga bata at menor de edad. Huwag nating palampasin ang ganitong pagyurak sa karapatan ng mga bata at sa ating mga pamilya.

Isa lamang ang kaso ni MJ sa mahabang listahan ng paglabag ng 203rd Brigade at PNP-MIMAROPA sa karapatan ng mamamayan. Sinusundan ng insidenteng ito ang hindi pa napapawing sindak, ugong sa taynga at trauma mula sa pinasabog na bomba at howitzer sa mga pamayanan ng magsasaka at katutubo sa hangganan ng Roxas at Mansalay noong 25 Marso at noong a-7 ng Marso naman sa Brgy Manoot, Rizal. Sa gitna ng matinding kagutuman ng mga Mindoreno, nagagawa pang maglaan ng pondo ang gobyernong Duterte sa walang kabuluhang mga bomba at gamit militar. Walang kagatul-gatol pang ipinagtatanggol ni Liway Bulaklak sa kanyang programa sa radio ang mga karahasan at kalapastanganang ito.

Magtulungan tayong mga Mindoreño sa pagbigay suporta sa mga biktima ng karahasan ng estado lalo na sa pagsalo sa mga inosenteng bata at kabataan. Ang pagtalikod ng rehimeng Duterte sa kapakanan ng mga bata at kabataan ay patunay na walang aasahan ang sambayanan sa rehimeng ito. Sa halip, humugot tayo ng lakas sa ating pagtutulungan upang maharap ang mga kahirapang idinudulot sa buhay natin ng pabaya, kriminal, korap, makadayuhan at anti-mamamayang rehimeng US-Duterte. Gawin nating kilusang masa ang pagsampa ng reklamo laban sa rehimeng ito at mga berdugong galamay niya. Ating papanagutin sa kanilang krimen ang rehimeng US-Duterte at ang tagapagpatupad ng madugong kampanya nito sa Mindoro na sina Lt. General Antonio Parlade Jr, hepe ng SOLCOM; Col. Augusto Villareal, CO ng 203rd Brigade; Lt Col Sasing, CO ng 4th IB; at, Lt Col Retirva, CO ng 76IB.

Ang patuloy na pang-aabuso ng reaksyunaryong estado ay gasolina sa nag-aapoy na galit ng mga Mindorenong naghahangad ng hustisya. Tanging sa makatarungang digmang inilulunsad ng CPP-NPA-NDF makakamit ang tunay na katarungan at kapayapaan at ang garantiya sa kagalingan at karapatan ng mga bata a kabataan. Suportahan natin ang makatarungang digmang ito. Palakasin natin ang NPA sa pamamagitan ng pagpasampa ng mabubuting anak ng bayan at pagbigay ng suportang morale at materyal para sa Hukbo ng sambayanan. Palakasin din natin ang kilusang masa ng ibat’ibang demokratikong uri at sektor na apektado ng krisis na hatid ng rehimeng US-Tsina-Duterte.

Panagutin sila Parlade, Villareal, Sasing, Retirva at ang punong pasistang si Duterte sa kanilang maruming gyerang kontra-mamamayan sa Mindoro!

Mindoreño magkaisa! Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!

203rd Brigade, Philippine Army-PNP-MIMAROPA perwisyo sa mga bata at kabataan, tunay na terorista ng Mindoro!