217 Surrenderees sa Masbate, Pekeng Balita
Mariing kinukundena ng Jose Rapsing Command-BHB Masbate (JRC-BHB Masbate) si Dept. of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana at ang 903rd IBgd. sa pagpaparada at/ sapilitang pagpapasuko ng 217 na sibilyan sa Masbate noong Enero 9 sa okasyon ng kaarawan ni Gov. Antonio Kho. Walang katotohanan ang pahayag ni Lorenzana na ang naturang mga sibilyan ay mga aktibong kasapi ng BHB na kusang sumuko sa kanilang upisina. Isang daan at pito sa mga sinasabing 217 na sumuko ay mga masang magsasakang galing sa bayan ng Aroroy at Claveria. Samantala, 60 naman ang galing sa bayan ng Balud at 50 ang galing sa mga bayan ng Baleno, Mandaon at sa isla ng Ticao. Ang naturang mga bayan ay kasalukuyang sinasaklaw ng mapanalasang Peace and Development Teams (PDT) kung saan tuluy-tuloy na lumulobo ang bilang ng mga abusong militar. Ang mga masang pinalalabas na sumuko ay makailang ulit nang tinakot at ginamit ng mga militar sa layuning papaniwalain ang mamamayan sa kasinungalingang humihina na ang kilusan sa prubinsya. Ito ay malinaw na paglabag sa karapatan ng mga sibilyan sa ilalim ng Protocol II ng Geneva Conventions at Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na kapwa sinang-ayunan ng rebolusyonaryong kilusan at ng gubyerno ng Pilipinas.
Gasgas na ang pekeng balita ng maramihang pag surrender sa prubinsya na pilit ipinamamarali ng AFP-PNP. Noong Oktubre 2018, 122 masa ang ipinarada ng PNP Region V, 2nd IBPA at 903rd IBgd PA sa pagbubukas ng programang pagpapasuko na Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP). Hindi maitanggi ng mersenaryong hukbo at ng rehimeng US-Duterte ang ibayong paglakas ng rebolusyonaryong kilusan sa Kabikulan sa kabila ng iba’t ibang taktikang ginamit nila tulad ng pagbubuo ng lambat-paniktik laban sa rebolusyonaryong kilusan sa porma ng MASAMASID, pag-aarmas sa mga bayarang tulisan at grupong vigilante, pagdaragdag ng pwersa ng AFP at PNP-SAF sa ilalim ng Memorandum Order 32 (MO 32) at panggigipit sa mga upisyales ng lokal na gubyerno upang pumirma sa mga Memorandum of Understanding na sapilitang magbibigay ng pahintulot sa presensya ng militar sa mga komunidad at nagtitiyak sa suporta ng mga upisyal ng gubyerno sa kanilang programang ECLIP. Kasabay ng kanilang mga mapanalasang operasyong militar sa kanayunan upang takutin at pasunurin ang masa, naglulunsad din sila ng mga mapagpanggap na operasyong sibil militar (CMO) upang hamigin ang loob ng mga Bikolano. Ngunit sa kabila ng lahat nang ito, bigo ang dibisyon sa pagpapahina sa rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan at kalunsuran.
Isang malaking kabalintunaan na sa kabila ng mga hinugot sa hanging deklarasyon na kaya nang ubusin ng AFP ang rebolusyonaryong kilusan sa kalagitnaan ng 2019 at na humuhupa na ang armadong paglaban sa Masbate at sa rehiyon ay idineklara pa ring prayoridad ng MO 32 ang Kabikulan at patuloy na dinaragdagan ang pakat ng militar at kapulisan dito. Sa nalalapit na eleksyon, nagpahayag na rin ang 9th IDPA na isasailalim sa red alert status ang ilang mga prubinsya sa rehiyon bilang paghahanda sa pag-igting ng mga taktikal na opensiba. Nanginginig ang tuhod ng militar sa lakas ng BHB at ng mga taga-suporta nito. Sa desperasyong mayroon lamang maipakitang datos at maisalba ang kanilang imahe, nagkakandarapa ang militar at kapulisan na magpakalat ng mga paulit-ulit at binaluktot na balita ng mga pekeng sumurrender.
Isa pa, ginagawang balon ng korupsyon ng AFP-PNP ang naturang mga engrandeng palabas ng mga pekeng surrenderees. Sa baryo ng Victory, bayan ng Balud, yinaya ng isang ahente ng militar ang ilang mga residenteng nag-iinuman at inalok ng P500 kapalit ng pagsama sa kanya. Ibinyahe ang mga residente at dinala sa Battalion Headquarters ng 2nd IBPA. Sapilitan silang pinahawak ng mga plakard na nagsasabing sila ay mga sumukong NPA at saka kinunan ng litrato. Ipinagyayabang din ng militar na makatatanggap ng P65,000 ang bawat surrenderee. Sa aktwal, P15,000 lamang ang natatanggap ng ilan sa mga masang tinakot at tinugis na humarap sa madla bilang mga surrenderees. Ang natitirang P50,000 ay napupunta at pinaghahati-hatian na ng matataas na upisyal ng AFP-PNP at ng kanilang mga pinakamasusugid na alipures.
Nananawagan ang JRC-BHB Masbate sa mamamayang Masbateno na labanan ang nag-uulol na pang-aatake ng militar sa rehiyon. Dapat singilin at pananagutin ang berdugong militar sa kanilang mga paglabag sa karapatang tao at malaganap na panlilinlang sa masa. Hinahamon ng JRC-BHB Masbate ang mga upisyal ng lokal na gubyerno na manindigan para sa karapatan at pagkatao ng kanilang mga nasasakupan. Marapat ilantad sa publiko ang mga kasinungalingan at korupsyon ng pasistang militar sa buong prubinsya at sa iba pang bahagi ng rehiyon. Ang pagpanig ng ilang pulitiko sa teroristang atake sa mamamayan ay tiyak na aani ng tuligsa at batikos mula sa masa at makaapekto sa kanilang kampanya sa nalalapit na eleksyon.
Sa huli, makaaasa ang taumbayan na mananatiling tapat ang lahat ng yunit ng BHB at ang buong kilusan sa pagsusulong ng digmang bayan sa harap ng hirap, sakripisyo at kamatayan. Hindi mapahuhupa ng samu’t saring bitag ng pasipikasyon at kapitulasyon ng estado ang paninindigan ng rebolusyonaryong kilusan na paglingkuran ang sambayanan at kamtin ang tunay na kalayaan at kapayapaan. Limampung taon nang bigo ang reaksyunaryong gubyerno sa layunin nitong pahinain ang kilusan. Tiyak na patuloy silang bibiguin ng walang pag-iimbot na pagsuporta at paglahok ng masa sa digmang bayan.