29 “sumukong” NPA supporters, malaking kasinungalingan
Gawa-gawang kwento at pekeng balita ni Marcelian Teofilo ng 203rd Infantry Brigade ng Philippine Army ang diumano’y 29 sumukong NPA supporters sa Brgy. Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro. Ang totoo: sapilitang dinala ang 29 Mangyan sa kampo ng mersenaryong militar at pinapirma sa inihandang kasulatan ni Teofilo na “itinatakwil nila ang rebolusyonaryong kilusan at nagbabalik-loob sa pamahalaan.” Nangyari ang sarsuwela ng pagsuko sa gitna na klima ng pananakot, karahasang militar, intimidasyon at panggigipit ng 76th IBPA sa mga taumbaryo ng San Jose, Occidental Mindoro at Bongabong sa Mindoro Oriental mula Abril hanggang Mayo. Inilunsad ng AFP ang malawakang pambobomba at istraping ng kanilang helicopter sa mga komunidad ng Mangyan na nagdulot ng maramihang paglikas ng mga naninirahang katutubo sa lugar.
Sa pagnanasang makabawi sa mga tinamong pinsala ng mga inilunsad na opensiba ng NPA higit pa ang idinulot na kahihiyan sa AFP-PNP nang bigo nilang mabawi ang CAA na inaresto’t dinetine ng NPA—at matapos ang isang masusing imbestigasyon—ligtas na pinalaya. Maaalalang pinalaya ang bihag matapos mapatunayan ng hukumang bayan na walang utang na dugo at nangakong magbabago at magbabayad pinsala sa kanyang mga krimen.
Gamit ang panlilinlang pwersahang ipinatawag ng AFP sa kanilang kampo ang 29 na katutubong Mangyan na tinatakang NPA supporters. Ipinanakot ng AFP ang isang pekeng listahan ng mga pangalan ng diumano’y taga-suporta ng NPA. Pwersahang pinapirma sa isang dokumentong nagsasabing sila ay kusang-loob na sumuko at walang elemento ng pamimilit. Ipinataas ang kanilang kamay bilang mga “nagbabalik-loob” sa gubyerno. Sila ang mga katutubong labis na naapektuhan ng isinagawang kabi-kabilang air strikes ng AFP sa kanilang mga komunidad. Garapalang ginawa ito ng AFP para gawing gatasang-baka ang E-CLIP.
Pwersahang pagpapasuko at panlilinlang ang taktika ng mersenaryong AFP-PNP para palabasing patuloy na humihina at nawawalan ng suportang masa ang NPA. Karaniwang gawain na ito ng AFP-PNP sa rehiyong TK at sa buong bansa. Iisa ang alam na skrip ng mga psywar operatives ng AFP-PNP – ang gasgas at sirang plakang paulit-ulit na gawa-gawang kwento ng maramihang pagsuko at diumano’y pagiging bandido ng NPA para pagmukhaing masama at terorista ang CPP-NPA-NDF.
Sa kabila nito, patuloy na lumalasap ng kabiguan ang AFP-PNP at rehimeng US-Duterte sa kanilang imbing pakanang ihiwalay ang NPA sa mamamayan. Mapapagod lamang ang mga ito sa walang tigil na paghabi at pag-imbento ng mga gawa-gawang pekeng balita ng pagsuko at panunumpa ng katapatan sa reaksyunaryong Republika ng Pilipinas. Sa bandang huli, sila na lamang ang naniniwala sa kanilang pekeng balita’t mga pakana.
Walang kahihinatnan ang NTF ELCAC, OPLAN Kapanatagan at E-CLIP ng rehimen kundi sa kabiguan nito sa harap ng patuloy na paglakas at pagsulong ng armadong pakikibaka ng mamamayan sa pamumuno ng CPP-NPA-NDFP. Mauulit kay Duterte ang masaklap na pinagdaanan ng mga pasista, diktador at korap na presidenteng pinatalsik ng sambayanang Pilipino.
Tinitiyak ng MGC NPA-ST na bibiguin nito ang mga pakana ng NTF ELCAC at ang OPLAN Kapanatagan ng papet na rehimeng Duterte. Determinado ang CPP-NPA-NDFP na biguin ang kahangalan ng pasista at tiranikong rehimeng US-Duterte at ng AFP-PNP sa anumang pagtatangkang wasakin at paghiwa-hiwalayin ang rebolusyonaryong hanay at mamamayan sa harap ng patuloy na paglala ng krisis sa ekonomiya at pulitika sa bansa.###