2nd Palawan Provincial Mobile Force Company (2nd PPMFC) at San Vicente Mayor Amy Alvarez, mga hambog at sinungaling! Ambush sa San Vicente, hindi kagagawan ng NPA-Palawan!
Katamaran, Kayabangan at Kabulaanan. Ito ang nakikitang dahilan ng Bienvenido Vallever Command(BVC) kung bakit mas madali para sa 2nd PPMFC at kay Mayor Amy Alvarez na ituon ang sisi sa grupo ng NPA na nagsagawa diumano ng pang-aambus noong ika-21 ng Mayo sa New Agutaya San Vicente, Palawan na ikinasugat ng isang pulis.
Ang mapanlinlang na pahayag na ito ng PNP at ni Mayor Alvarez ay pinabubulaanan ng Bienvenido Vallever Command (BVC) at tahasang naming pinasisinungalingan. Gawa-gawa lamang ang naturang ambus upang maghanap ng masisisi ang PTF-ELCAC para sa kanilang kontra-insruhensyang operasyon. Mahigpit na tumatalima ang NPA-Palawan sa kautusan ng BVC sa lahat ng mga yunit nito nagbabawal sa armadong aksyon ng NPA laban sa lahat ng mga indibidwal, grupo at sektor (maging military man o pulis) na nakatalagang maghatid ng suplay sa mga apektado ng pandemyang Covid-19. Maliban kung ginagamit lamang ng mga mersenaryong Pulis at Militar ang pabalat-bungang mga relief operations upang tabingan ang mga operasyong militar na saklaw ng aming mga larangan at sonang gerilya.
Marami nang natatanggap na reklamo ang aming himpilan na habang limitado ang galaw ng mga karaniwang mamamayan ay sinasamantala naman ng mga Marines at pulis ang kanilang kapangyarihan upang dahasin ang mga lider masa at gipitin ang mga pinaghihinalaang may koneksyon sa rebolusyunaryong kilusan. Pipiliting sumuko at ipapailalim sa E- CLIP bilang mga pekeng surenderi at makakurakot ng malaking pondo sa kaban ng bayan.
Ibinibigay rin ng BVC ang simpatya kay Patrolman Jayson Javares Catanduanes na naging kaswalti sa nasabing ambush. Tiyak naming biktima sya ng ganid at pansariling interes ng kanilang mga opisyal upang magkaroon ng magandang dahilan ang kabagalan ng kanilang paghahatid ng mga relief sa mga taong epektado ng palyado, magulo, pabago-bago at di maintindihang patakaran ng gubyerno sa pagharap sa Covid-19. Hindi malayong ang nangyari sa kanya ay resulta ng isang planado at maruming taktika ng kanilang mga opisyal upang bigyang katwiran ang mga operasyong ilulunsad ng mga militar at pulis laban sa NPA.
Sasamantalahin ng mga utak-pulburang pasimuno ng PTF-ELCAC ang pagkakataon habang nasa yugto ng pangangamba ang mamamayan sa kanilang kalusugan dulot ng CoVidl9. Isinusugba naman ng JTF – Peacock ang mga pulis at sundalo sa kahibangang kontra-rebolusyonaryong kampanya nito dahil sa mga pangakong tatapusin ang CPP-NPA sa pagtatapos ng 2019 na muling pinalawig hanggang 2021. Nais ipaabot ng BVC sa hanay ng mga pulis at mga sundalo na palaging bukas ang pintuan nito para sa makabayan at prinsipyadong pakikipagtulungan.
Kung sinasabi ng lokal na pamahalaan ng San Vicente na abala sila sa pakitang-taong pagbibigay ng ayuda sa mga biktima ng militaristang lockdown dulot ng CoVidl9, ang mga yunit naman ng BVC ay higit na abala sa mga sonang gerilya upang abutin ang higit na maraming masa na kapos pa sa kaalaman hinggil sa pandemyang CoVidl9. Isinasagawa ng mga yunit ang pagtuturo ng kumprehensibong pangangalaga sa kalusugan, madaliang pag-agap sa sakit at sama-samang magtulungan upang maisaayos ang kalusugan at pagkain ng gipit na mamamayang hindi man lamang pinansin ng ipokritong pamahalaan ng Palawan at ng republika ng Pilipinas sa kabuuan.
Habang ipinagmamalaki ni Jose Chavez Alvarez at Amy Alvarez ang kanilang mga nagawang pagtugon sa krisis ng CoVidl9 sa San Vicente at buong Palawan, hindi maitatago ang tunay na reyalidad: May malawak na diskuntento sa hanay ng masang Palawenyo! Malaganap ang matinding kagutuman at kahirapan sa buong lalawigan. Ito ang naghahawan ng landas para sa rebolusyunaryong kilusan at Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang New Peoples Army!
Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Nakikibakang Palwenyo!