30 frontliner sa QMC, apektado ng COVID-19
Apektado ng COVID-19 ang halos 30 medical frontliners kabilang ang 17 doktor sa Quezon Medical Center nitong nakaraang mga araw.
Ayon kay Dr. Rolando Padre, direktor ng QMC, ang mga naturang mga frontliners ay bakunado at nakatanggap na rin ng mga booster shots.
Samantala, nagpaabot ng dagdag paalala si Ka Cleo del Mundo, tagapagsalita ng Apolonio Mendoza Command-New People’s Army-Quezon, na marapat bantayan ng mamamayan ang mga lokal na pulitiko na posibleng magtipon ng malaking bilang sa kanilang mga nasasakupan at pangunahing lumabag sa ipinapatupad na minimum health protocols sa bansa.
Dagdag pa, ayon sa Malacañang, naisama na sa critical risk area ang lungsod ng Lucena dulot ng mabilis na hawahan sa naturang lugar.
“Kailangang mabilis na alalayan at laanan ng sapat na pondo ni Gov. Danilo Suarez at Sangguniang Panlalawigan ang mga medical frontliners. Kung hindi ito magagawa maraming mamamayan sa lalawigan ang mapipinsala at maapektuhan tulad ng mabilis na pagbabakuna at tuloy-tuloy na pagsasara ng mga susing departamento sa mga ospital sa buong lalawigan” ani del Mundo.
Napabalita nitong nakaraang mga araw na nagsara na ang Obstetrics and Gynecology at pediatric department; at ang isang vaccination center sa Quezon National Highschool dulot ng kawalan ng lakas-tauhan sa QMC.#