31st IBPA, berdugo ng Sorsogon!
Samuel Guerrero
Tagapagsalita
Celso Minguez Command – BHB Sorsogon
Mariing kinukundena ng Celso Minguez Command-BHB Sorsogon ang pagpaslang ng mga elemento ng intelligence ng 31st IBPA kay Emilio E. Guab, mahigit 40 anyos, may asawa, 2 anak, mamimili ng niyog, at kagawad ng Barangay Lajong, Juban, Sorsogon.
Binaril ng dalawang kalalakihang sakay ng motor si Guab habang nanonood ng basketbol nitong Oktubre 12, bandang alas-otso ng gabi, sa barangay na mismong kanyang nasasakupan. Nagtamo ng tama sa leeg at ulo si Guab dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.
Si Guab ay tapat na lingkod ng kanyang barangay, kilalang maasahan pagdating sa tawag ng kanyang tungkulin sa gubyerno pero ang mismong gubyerno na kanyang pinaglilingkuran ang kumukunsinti sa mga katulad ng 31st IBPA na walang ginawa kundi humalihaw ng mga tunay na nagsisilbi at naghahangad ng tunay na kagalingan ng kapwa Sorsoganon at maghasik ng takot sa mamamayan.
Mistulang karuwagan ng 31st IBPA na tumarget ng sibilyan kapag walang matagpuang lehitimong NPA. Hinubog silang tagapagsilbi sa mga dayuhang kapitalista, burukrata kapitalista at panginoong maylupa kung kaya’t hindi nila kayang isabuhay ang batas ng digma—na dapat walang idinadamay na sibilyan.
Higit na nagiging masahol ang mga asong militar ni Duterte habang pinapahigpit ng rehimen ang kanyang pagkapit sa kapangyarihan sa loob ng gubyerno.
Hindi lamang ang rebolusyonaryong kilusan ang pinaglalawayang durugin ng mga aso ng rehimen at ng gubyerno ni Duterte kundi, maging ang mga mamamayang aktibong lumalahok sa mga kilos protesta at tumutuligsa sa kanyang kainutilang tugunan ang pangunahing pangangailangan ng mamamayan–kahilingang dapat na isuspinde ang batas na TRAIN, regularisasyon sa manggagawa at suportang agrikultura sa magsasaka.
Hindi matatabingan ng mga samo’t-saring palamuti at pagkukunwaring programang pangkaunlaran ng 31st IBPA ang madugong rekord nito sa mamamayan ng Sorsogon. Hindi na mababago ang lantad nang larawan ng pagiging berdugo ng mga 31st IBPA mula nang maipakat ito sa probinsya noong taong 2011.
Marapat lamang na magkaisa ang buong mamamayang Sorsoganon upang ilantad ang matinding brutalidad ng mga elemento ng 31st IBPA at ng rehimeng Duterte. Dapat kundenahin ng mamamayan ang direktang pagtarget sa kanilang hanay ng gubyerno ni Duterte at ng AFP-PNP. Dapat na mapagbantay ang mamamayan sa dahas na kalakip ng Oplan Kapayapaan ng rehimen.
Kundenahin ang pasistang 31st IBPA sa pagpaslang sa mga sibilyan!
Mamamayan, Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!