47 taon ng pagpapanday ng kritikal, makabayan at rebolusyonaryong kabataan
Mahigpit na nakikiisa ang KM-Bikol sa pagdiriwang ng ika-47 anibersaryo ng NDFP. Patunay ang tatag at lawak na inabot ng NDFP sa halos limang dekada sa kolektibong hangarin ng mamamayan para sa tunay na kalayaan, katarungan at demokrasya.
Ang sunud-sunod na hambalos ng pang-ekonomyang krisis, kahit bago pa dumating ang pandemya sa bansa, ay sintomas ng matagal nang naaagnas na sistemang monopolyo kapitalismo. Maraming kabataan sa rehiyon ang hindi makatuntong ng high school at kolehiyo dahil sa kawalan ng pambayad ng matrikula. At kung makatapos man, nahuhulog sila sa pagiging mga mala-manggagawa o pumasok sa service sector, mangibang-bansa o tumungo sa Maynila dahil sa kawalan ng industriya sa bansa. Katambal nito ang walang-patid na pasistang atake, dahil ito ang tanging pamamaraang alam ng estado upang magupo ang pagkakaisa ng mamamayang lumaban at maghangad ng kalayaan mula sa pang-aapi at pagsasamantala.
Dapat ipagbunyi ang mga inabot ng NDFP at ng lihim na kilusang kabataan-estudyante nitong mga nagdaang dekada. Nakasalalay ang kinabukasan ng mga susunod pang henerasyon sa paggampan at pagtangan ng kabataan ngayon sa kanilang tungkulin bilang pag-asa ng bayan. Patuloy na ipinamamalas ng kabataan ang kanilang kapasyahan sa pagsasanib ng kanilang lakas sa pakikibaka ng iba pang aping sektor. Aktibong bahagi ang kabataan sa pagsulong ng programa NDFP at PKP sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.
Sa ganitong diwa, pinagtitibay ng KM-Bikol na ibayo nitong palalawakin at palalakasin ang hanay ng kabataan. Puspusan pa itong pupukaw, mag-oorganisa at magpapakilos upang makapagpanday ng mga kritikal, makabayan at rebolusyonaryong kabataang hahalili sa tungkuling panatilihing buhay ang sulo ng pakikibaka.
Kabataang makabayan, lumalaban!
Mabuhay ang ika-47 anibersaryo ng NDFP!