47 taon ng pagsusulong ng rebolusyonaryong kultura
Kaisa ang mamamayang Pilipino, ipinagbubunyi ng ARMAS-Bikol ang ika-47 anibersaryo ng NDFP. Susi ang papel ng NDFP pagpapalaganap ng rebolusyonaryong kultura – mula sa pagpapalaganap ng obhetibo at makauring pagsusuri hinggil sa mga isyu sa lipunan hanggang sa pagtataas at pagpapatalas ng pampulitikang kamulatan ng taumbayan. Patunay ang lumalaking arkibo ng mga pahayagan, literary folio, album at iba pang malikhaing limbag sa walang-kapagurang pakikibaka ng mamamayang Pilipino.
Sa banta ng pinaigting na pagpapatupad ng batas militar, deklarado man o hindi, higit na nagiging hamon para sa mga artista ng bayan na gamitin ang malilikhaing pamamaraan at maksimisahin ang iba’t ibang porma ng sining upang patuloy na makapag-organisa sa hanay ng masang anakpawis. Dapat ubos-kayang labanan ang mga tangka ng rehimeng US-Duterte na palabnawin ang pagkakaisa ng mamamayan at baluktutin ang mga tunay na kahulugan ng pagtutulungan at bayanihan. Ipagpatuloy at ibayong palaganapin ang kritikal at makauring pagsusuri sa mga isyu upang mapangibabawan ang paglaganap ng saywar at disimpormasyon.
Hanggang sa tagumpay ng rebolusyong Pilipino, ipinapangako ng ARMAS-Bikol na patuloy itong magiging salalayan sa pagpapalaganap ng pambansa, syentipiko at makamasang kultura. Lalo itong magpapalawak at magpapatatag ng kasapian. Panghahawakan nito ang mga prinsipyo ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, ipapalaganap ang programa ng demokratikong rebolusyong bayan at, higit sa lahat, patuloy na mag-aambag sa armadong pakikibaka.
Mabuhay ang ika-47 taon ng NDFP!
Mabuhay ang mamamayang lumalaban!