47 taon ng pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa at pagsusulong ng rebolusyong agraryo — PKM-Bicol

 

Buong-lugod na binabati ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid-Bikol (PKM-Bikol) ang NDFP sa ika-47 anibersaryo nito. Sa loob ng panahong ito, tinanganan at isinulong ng NDFP at buong rebolusyonaryong kilusan ang mga demokratikong interes ng lahat ng uring inaapi at pinagsasamantalahan. Sa pagsusulong ng 12-puntong programa, itinaguyod ng NDFP ang pagnanais ng mga magbubukid na tugunan ang batayang problema sa kawalan ng lupa sa pamamagitan ng ganap na paglaya mula sa pyudal at malapyudal na paghahari ng malalaking panginoong maylupa at burgesya kumprador.

Patuloy pa ring binabayo ang mga magsasaka ng kahirapan at kagutumang dulot ng neoliberalismo at pasismo ng reaksyunaryong gubyerno. Sa paglaganap ng pandemyang COVID-19 sa panahong lubusang pinahina at linumpo ng neoliberalismo ang lokal na agrikultura, ibayong nag-aalab ang kapasyahan ng uring magsasakang lumahok sa pagsusulong ng digmang bayan. Handa ang hanay ng mga magbubukid, kasama ang malawak na hanay ng mamamayan, na harapin ang pinakamatitinding atake at panunupil ng kaaway.

Sa rehiyon, puspusang ilinulunsad ang rebolusyong agraryo at tuluy-tuloy na kinokonsolida ang mga inabot nito sa mga nakaraang taon. Sa iba’t ibang bahagi ng Bikol, naipatupad na ang minimum hanggang maksimum na programa sa lupa. Naitayo at patuloy pang umuunlad ang mga kooperatibang nangangasiwa sa mga lupaing ito. Dahil sa organisadong lakas ng masa, natitiyak na mapananatili ang mga lupain sa mga nagbubungkal at nagpapayaman nito. Pataas nang pataas ang praktika ng masa sa pagsasakatuparan ng kanilang kakayahang magtayo at magpagana ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan.

Ilang salinlahi na ng mga magsasakang Bikolano ang nakikinabang sa naturang mga tagumpay ng buong rebolusyonaryong kilusan. Sa mga panahon ng kagipitan tulad sa kasalukuyang pagkalat ng COVID-19, inaani na ng mga komunidad ang bunga ng kanilang paglaban. Relatibong magaan ang epekto ng krisis ng pandemya dahil naririyan ang kanilang kolektibong produksyong maaaring pagkunan ng kanilang mga batayang pangangailangan.

Ang mga ginugunitang tagumpay ng NDFP at buong rebolusyonaryong kilusan ay isang panibagong hamon para sa uring magsasaka at iba pang uring inaapi at pinagsasamantalahan na higit pang maging mapangahas at matatag sa puspusang pagsusulong ng rebolusyon hanggang ganap na tagumpay!

Ipagbunyi ang ika-47 anibersaryo ng NDFP!
Mabuhay ang uring magsasaka! Mabuhay ang sambayanang lumalaban!
Talingkas sa Pagkaoripon!

47 taon ng pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa at pagsusulong ng rebolusyong agraryo -- PKM-Bicol