47 taon ng puspusang pag-oorganisa at pagpapalakas ng mga organisasyong masa sa kanayunan — NPA-Bicol
Pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad ng RJC-BHB Bikol sa mamamayang Pilipino ngayong ika-47 anibersaryo ng NDFP. Patunay ang inabot na lawak at tatag ng NDFP sa masiglang diwa ng mamamayang Pilipinong labanan ang pyudalismo, burukrata kapitalismo at imperyalismo. Hanggang sa mga susunod pang dekada ng puspusang pakikibaka para sa tunay na kalayaan, katarungan at demokrasya, kaisa ng NDFP ang BHB sa pagpapatatag at pagpapalakas ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan at pagsusulong ng armadong rebolusyon.
Katuwang ang BHB, napapaunlad ng mamamayan ang kanilang kakayahang pamunuan ang kanilang mga sarili sa pagbubuo at pagpapalakas ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa. Dito rin nila buu-buong naisasapraktika ang kanilang mga demokratikong karapatan. Sa ganitong pamamaraan, nakikita ng mamamayan na kaya nilang itayo ang isang lipunang hindi sila pinagsasamantalahan at inaapi.
Kahit sa panahong mayroong nananalasang pandemya, pinagpupursigihan ng mga yunit ng Pulang hukbo na umagapay sa mga organisasyong masa sa pagpapatupad ng kani-kanilang programa upang mapangibabawan ang krisis. Kabilang dito ang pagpapataas ng antas ng produksyon, paglulunsad ng mga klinikang bayan at pagtataas ng kaalaman ng taumbaryo sa sanitasyon at kalusugan. Walang kapaguran itong gagawin ng BHB, alay sa masang pinangakuan nitong silbihan, sa kabila ng matitinding atake ng AFP-PNP-CAFGU.
Mahigpit na nananawagan ang RJC-BHB Bikol sa lahat ng yunit kumand nito na buong sigasig na mag-organisa ng masa sa kanayunan. Pukawin at ipaunawa ang kalahagahan at katwiran ng armadong pakikibaka sa pinakamalawak na hanay ng masang anakpawis na maaabot. Kasabay ng pag-aahita sa masa, pataasin ang kanilang kamulatan hinggil sa mga krisis na nararanasan ng lipunan tungo sa pakikibaka laban sa imperyalismo. Itambol ang programa ng demokratikong rebolusyong bayan at aktibong tumulong sa pagpapatupad nito sa mga baryong mayroon nang nakatayong pundasyon ng Pulang kapangyarihan.
Mabuhay ang ika-47 anibersaryo ng NDFP!
Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!
Talingkas sa pagkaoripon!