5 kaswalti ng AFP-PNP sa aksyong militar ng LdGC – NPA Mindoro

 

Taas-kamaong pagbati ang ipinapaabot ng Melito Glor Command sa dalawang magkasunod na aksyong militar ng Lucio de Guzman Command (LdGC) – NPA Mindoro laban sa mga nag-ooperasyong 4th IBPA-PNP sa ilalim ng 203rd Brigade.

Limang putok ang pinakawalan ng mga Pulang mandirigma na nagresulta ng apat na malubhang sugatan sa AFP-PNP noong Pebrero 19 sa Sitio Ibanig, Brgy. Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro bandang alas 3:30 ng hapon. Kagyat na kinuha ng dalawang helicopter ang mga sugatan bandang 5:00 ng hapon. Kinabukasan, Pebrero 20, alas dos ng hapon, isa ang malubhang sugatan sa isang putok ng sniper team ng LdGC – NPA Mindoro sa Sitio Balingaso ng parehong barangay. Samantala, ligtas na nakaatras ang mga kasama nang walang anumang pinsala.

Ang aksyong militar ng LdGC – NPA Mindoro ay tugon sa Focused Military Operations (FMO) ng 4th IBPA-PNP na dumagan sa mga sityo Elya, Taganop, Mantay, Ibanig, Tikyan, Banligan, Balingaso, Mabanban at Saliding ng Brgy Monteclaro, San Jose; mga sityo Dulis, Dayaga at Dalalo ng Brgy. Naibuan, San Jose; at mga sityo Abalya, Masay, Buswak ng Brgy. Lisap, Bongabong, Oriental Mindoro. Dinaganan ito ng 300 pwersa ng 4th IBPA-PNP na naghahasik ng karahasan at teror sa mga nasabing lugar. Ikatlong bugso na ito ng FMO ng 203rd Brigade sa isla sa taong ito.

Ang mga aksyong militar ng NPA laban sa mga nag-ooperasyong sundalo at pulis ay paggawad ng rebolusyonaryong hustisya sa lahat ng mga krimen ng mersenaryong tropa sa mamamayan ng Mindoro. Matatandaang malaking krimen ng 203rd Brigade ang inilunsad nilang pambobomba, pang-iistraping, panununog at iba pang mga paglabag sa karapatang tao sa mga katutubong Mangyan at magsasaka sa mga nabanggit na lugar noong 2019.

Nagsisilbing babala ito sa mga nag-ooperasyong pwersa ng AFP-PNP sa mga lugar na saklaw ng larangang gerilya ng NPA. Hindi maaaring mamayagpag at puminsala pa ang AFP-PNP sa buhay at kabuhayan ng mamamayan sa kanayunan. Bibiguin ng NPA sa rehiyon at buong bansa ang mga FMO sa ilalim ng NTF-ELCAC at JCP-Kapanatagan. Patuloy na isusulong ng NPA sa mas mataas na antas ang pakikidigmang gerilya upang ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte.###

5 kaswalti ng AFP-PNP sa aksyong militar ng LdGC - NPA Mindoro