57IB na gwardya ng DMCI pinarusahan ng BHB-Sultan Kudarat

,

Malugod na binabati ng VPC-FSMROC ang BHB-Sultan Kudarat sa matagumpay na aksyong pagpaparusa nito laban sa isang yunit ng 57IB na naganap noong Mayo 14, 2022. Gayundin ang aming pagpupugay sa mga masang matatag na tumataguyod sa laban para sa lupang ninuno, at di natinag ng pasistang panunugpo at paniniil!

Bandang alas 2:00 ng hapon noong Mayo 14 tinambangan ng mga operatiba ng BHB-Sultan Kudarat ang mga sundalo ng 57th IB na naglalakbay lulan ng isang 6×6 military truck. Pinasabugan nila ng command detonated explosives ang sasakyan habang dumadaan sa masukal na bahagi ng Purok Dulangan Km 18, Bgry. Salangsang sa bayan ng Lebak, Sultan Kudarat. Tatlong sundalo ang agad na nasawi habang apat naman ang mga nasugatan.

Ikinagalak ng masang lumad na Dulangan-Monobo at Moro ang matagumpay na pagpaparusa sa 57th IB na dumepedensa sa mga negosyo ng D.M. Consunji Inc. Ang pananambang na naganap sa loob mismo ng konsesyon ng kumpanya ay isang malinaw na mensaheng patuloy nilang lalabanan ang panghihimasok sa kanilang lupang ninuno. Naniniwala ang masa na ang pagpapalakas sa presensya ng militar sa kanilang lugar ay nauugnay sa pagbabalik-operasyon ng mga negosyong pagtotroso at agibisnes ni Consunji. Kamakailan lang ay inalmahan nila ang isinasagawang konstruksyon ng mga logging roads sa loob ng kanilang mga komunidad.

Matagal na ring dinadaing ng mga residenteng Lumad ang pagbabanta, panggigipit at sapilitang pagpapasurender sa kanila ng militar. Ikinagalit din nila ang sabwatan ng NTF-ELCAC, NCIP at opisina ng IPMR sa panlilinlang sa mga Lumad na pumasok sa umanoy mga programa at proyektong pangkabuhayan ng mga komunidad ngunit ang mga nilalaman at kaparaanan ay nauugnay sa operasyon ng mga negosyo ni Consunji. Ang mga residenteng napilitang sumapi ay ipinarada ng NTF-ELCAC at Joint Task Force Central bilang “surrenderees”.

Limang taon nang nabigong makapagpatuloy ang pagtotroso ng M&S Company-DMCI matapos itong pinahinto ng armadong rebolusyonaryong kilusan at malawakang pagtututol ng mamamayang Lumad at mga magsasakang setler. Hindi rin nakausad ang matagal nang nakabinbin na mga proyektong pagmimina nito sa kabukiran ng Daguma. Subalit ang tinatamasa nitong suportang militar na pinatitibay ng mabangis at mapanupil na mga palisiya ng tiranikong rehimeng Duterte ang naging sandigan ng DMCI sa pagtatangka nitong pangibabawan ang paglaban ng masa.

Ang napipintong pagluluklok ng ilehitimong rehimen ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay isang malaking oportunidad sa pamilya Consunji para mas palawakin ang kontrol sa inangkin nilang mga lupain ng mga tribung Lumad. Ang ama nitong diktador na si Ferdinand Marcos Sr. ang naggawad sa kanilang patriarkang si David Consunji ng Timber License Agreement na sumasaklaw sa 150,000 ektaryang lupain ng mga Lumad sa kabundukan ng Daguma. Sa ilalim ng batas militar ng diktadurang Marcos ay walang habas na pandarahas at pagmasaker ang isinakatuparan ng mga pasistang pwersa at mga mersenaryo ni Consunji laban sa mga Lumad at magsasakang setler na tumututol sa kanilang operasyon.

Ang darating ng mga araw ay nagsasaad ng malaking hamon para mas palakasin at mas patibayin ang pagkakaisa ng rebolusyonaryong hanay at mga masang api at pinagkaitan upang ipaglaban ang karapatan sa lupa. Gawin natin ang lahat ng ating makakaya para biguin at wasakin ang pasistang panunupil at kapitalistang pandarambong sa ating likas na yaman!

57IB na gwardya ng DMCI pinarusahan ng BHB-Sultan Kudarat