59th Infantry Battalion ng Philippine Army, sinungaling!
Binabaluktot ng 59th IB-PA ang naganap na enkwentro sa Bgy. Guinhawa, Taysan noong Hulyo 18 upang pagtakpan ang kanilang pananagutan sa pagkamatay ng siyam na taong batang babae.
Sa inilabas na pahayag ng nasabing mersenaryong batalyon, pinalalabas nilang may dalawang enkwentrong naganap sa pagitan ng mga pwersa ng NPA at mga tropang militar sa Sityo Amatong bandang 11:30 n.u. at sa Sityo Centro bandang 12:00 ng tanghali ng parehong barangay. Higit pa, isinisisi nila sa NPA ang pagkamatay ng nasabing bata.
Ang katotohanan, isang enkwentro lamang ang naganap sa Sityo Amatong bandang 12:00 ng tanghali na tumagal lamang ng 3-5 minuto kung saan kaagad na umatras ang mga Pulang mandirigma ng NPA papalayo. Walang nangyaring labanan sa Sityo Sentro ng nasabing barangay kung saan napatay ang siyam na taong gulang na batang babae tulad ng nilulubid na kwento ng mga pasista.
Nagsisinungaling din ang mga pasista sa pinalalabas nilang kwento na nahagip ang bata ng ligaw na bala mula sa pinanggagalingang ng pamumutok ng NPA. Ang So. Amatong ay bulubunduking bahagi ng baranggay na ilang kilometro ang layo sa So. Sentro kaya imposibleng may ligaw na balang magagawi doon. At kung sinasabi ng mga pasista na 11:30 n.u. nagananap ang labanan sa So. Amatong na sa totoo’y tumagal lamang ng 3-5 minuto paanong mangyayari na may ligaw na bala pang makakahagip sa bata sa pinalalabas nilang nangyaring labanan naman sa So. Sentro ng 12:00 ng tanghali? Sintido komon lamang ang magsasabi na naglulubid ng kwento ang pasistang 59th IB-PA!
Ang tunay na nangyari ayon sa mga nakasaksi, walang habas na nagpaputok sa iba’t ibang direksyon ang mga mersenaryong tropa ng 59th IB-PA na nakahimpil sa So. Sentro nang marinig ang putukan na nagmumula sa direksyon ng So. Amatong. At walang duda na mga tropa ng 59th IB ang nakapatay sa siyam na taong gulang na batang babae habang dali-daling papauwing tumatakbo ang mag-ama mula sa pagsusuga ng kambing.
Mula pa Hulyo 15, nagsimula nang guluhin ang katahimikan ng Bgy. Guinhawa ng mga pasistang tropa ng 59th IB-PA na nagsasagawa ng operasyong militar sa tabing ng CMO. Labag sa CARHRIHL at Protocol II ng 1949 Geneva Conventions, walang pasintabing inukupa ng mga pasistang tropa ang mga sibilyang pasilidad tulad ng barangay hall at eskwelahan sa naturang baryo. Nagsagawa ang mga ito ng pagbabahay-bahay at iligal na paghahalughog upang maghasik ng takot sa sibilyang populasyon habang may mga pwersa namang sumusuyod sa gubat. Matapos magbahay-bahay, inaabot naman nang malalim sa gabi na nag-iinuman ang mga maton ng reaksyunaryong gubyerno na nakahimpil sa So. Gabihan at Sentro ng baryo.
Mataas na isinasaalang-alang palagi ng NPA ang kaligtasan ng sibilyang populasyon. Kaya kahit may pagkakataon itong parusahan ang mga mersenaryong tropang ginugulo ang matahimik na pamumuhay ng masa, nagtimpi ito’t umiwas na magkaroon ng labanan. Nasa inisyatiba ng mga tropa ng 59th IB ang naging enkwentro sa So. Amatong nang salakayin nito ang nakahimpil na mga pwersa ng NPA at makatwirang nagdepensa lamang ang huli.
Kinamumuhian ng masa ang bawat presensya ng pasistang militar sa kanilang baryo dahil ang mga ito ang pinagmumulan ng kaguluhan sa matahimik nilang aktibidad sa produksyon at pang-araw-araw na buhay. Sa mata ng karaniwang mamamayan, ang AFP at PNP ang mga teroristang naghahasik ng kaguluhan at takot sa sibilyang populasyon. Kabaligtaran, sa mata ng mamamayan, ang NPA ang tunay nilang hukbo na masasandigan at magtatanggol sa kanilang kaapihan.
Dapat panagutin at pagbayarin ang pasistang 59th IB at ang buong AFP at PNP na nagtatanggol sa reaksyunaryong estado ng malalaking kumprador, panginoong maylupa at burukrata.
Nananawagan kami sa aping mamamayan na pinagsasamantalahan ng bulok na sistema na iwaksi ang takot, ipaglaban ang karapatan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at lumahok sa digmang bayan.###