85th at 59th IBPA: Ang tunay na persona non grata sa Quezon
Pahiyang-pahiya ang 85th at 59th IBPA na mga persona non grata sa komunidad ng mga magsasaka sa Quezon. Ilang ulit nang pinalayas ng mga residente ng Lopez at Macalelon ang mga pasistang tropa na nagkakampo pati ang mga nagbabalak pa lang magkampo sa kanilang barangay.
Wala mang papel na nagdedeklara sa mga sundalo na persona non grata, ang mismong pagkilos ng mamamayan para tutulan ang paghimpil ng militar sa baryo ang nagpapakita na kinamumuhian nila’t di kayang tanggapin ang presensya ng mga pasistang AFP.
Pinakahuling petisyon kontra sa pagtatayo ng kampo militar ang pagkilos ng mga taga-Brgy. San Francisco B, Lopez noong Agosto 7. Bunsod ng sangkatutak na reklamo ng mga taumbaryo laban sa mga sundalo, tinutulan sa pangunguna ng mga kagawad at tanod ng barangay ang kampo militar. Pati ang imbing pakana ng mga sundalo na pumuwesto sa ibang sityo ng parehong barangay ay hinarang ng mga residente.
Bago ito, apat na kampo na ng sundalo ang napalayas ng mga residente ng Brgy. Sta. Elena at Cawayan sa Lopez at Brgy. Vista Hermosa at P. Herrera sa Macalelon noong Mayo 2021. Sa mga barangay na ito napaulat ang walang patumanggang pamamaril ng mga CAFGU at sundalo na nagresulta pa sa pagkamatay ng isang alagang kabayo. Sinasalaula rin ang barangay hall na iligal na kinampuhan ng ilang panahon. Bastos at walang modo ang mga sundalo na hindi man lang naglilinis ng sariling dumi. Sa ganyang mga gawi, hindi na dapat pagtakhan kung bakit ayaw ng mga taumbaryo sa 85th at 59th IBPA.
Kailanman, hindi tatanggapin at tatangkilikin ng mamamayan ang teroristang AFP. Napakarami nitong kasalanan sa mga magsasaka’t maralita sa kanayunan ng Quezon. Mga tropa ng 85th at 59th IBPA ang salarin sa walang awang pagpatay sa mga sibilyang sina Nanay Fe delos Santos at Armando Buisan. Sila rin ang nanghaharas at iligal na nang-aaresto sa mga magsasakang miyembro ng mga nire-red-tag na progresibong organisasyon. Sila rin ang naglulunsad ng mga operasyong kombat at saywar na naghahasik ng takot at namemerwisyo sa mga komunidad. Pati relip na para sa mga magsasakang sinalanta ng mga kalamidad at pandemya ay hinaharang at ninanakaw ng mga pasista. Bukod dito’y promotor ang mga sundalo ng mga anti-sosyal na aktibidad gaya ng sugal, pag-iinom, paggamit ng iligal na droga, pagsasamantala sa kababaihan at iba pa.
Tiyak na marami pang komunidad sa buong rehiyon ang namumuhi sa pasistang rehimen at susunod na magpepetisyon na palayasin ang mga militar sa baryo. Inspirasyon nila ang kahanga-hangang kolektibong pagkilos ng mamamayan ng Quezon na hindi nagpadala sa pananakot at pagbabanta ng mga sundalo.
Ang nararanasang paghihirap at pandudusta sa kamay ng mga pasista ang nagsisindi sa mapanghimagsik na damdamin ng anakpawis. Patuloy nitong pag-aalabin ang kanilang pakikibaka at pahihigpitin ang kanilang pakikipagkaisa sa tunay nilang Hukbo at tagapagtanggol, ang New People’s Army.###