Palayasin ang militar sa Batangas! 9-taong bata, nasawi sa pamamaril ng AFP-PNP
Walang puwang para hayaang manatili sa Batangas ang AFP-PNP sa harap ng sunud-sunod nitong pang-aatake sa mamamayan ng probinsya, na kahapon, Hulyo 18, ay nagresulta sa pagkamatay ng isang siyam na taong batang babae.
Makatwiran at napapanahong padagundungin ang ating panawagan: Palayasin ang militar sa kanayunan! Parusahan ang berdugong AFP-PNP sa pandaharas sa mamamayan!
Napaslang ang bata dahil sa walang patumanggang pamamaril ng mga tropa ng AFP-PNP. Tinamaan ito ng bala mula sa naghuhuramentadong tropa na nakapakat sa Sityo Sentro, Brgy. Guinhawa. Ang nasabing lugar ay may kalayuan sa Sityo Amatong ng parehong barangay kung saan nagka-engkwentro ang isang yunit ng NPA-Batangas at hiwalay na kolum ng AFP-PNP kahapon ng tanghali. Pauwi na ang bata kasama ng kanyang ama nang walang habas na magpapaputok ang mga pasistang tropa sa Sityo Sentro. Itinakbo pa ang bata sa ospital ngunit namatay na ito sa daan.
Bago ang insidente sa Brgy. Guinhawa, walang patlang ang focused military operation sa Nasugbu, Calaca, Balayan, San Juan, Rosario, Taysan at Lobo, Batangas nitong Hunyo hanggang Hulyo. Nagluwal ito ng mga kaso ng iligal na paghahalughog, iligal na pagtsetsekpoynt, tortyur, paninindak at threat, harassment and intimidation (THI). Nauulol ang mga pasista sa paghahanap ng NPA sa probinsya kaya’t walang pakundangang nilalabag ang karapatan ng mamamayan.
Ang batang biktima ay namatay bunsod ng kawalang-galang ng AFP-PNP sa kaligtasan ng mga komunidad at sa mga internasyunal na makataong batas at alituntunin sa digma na nagpoprotekta sa mga taong di-sangkot sa armadong tunggalian. Sa kahibangan ng teroristang estado na durugin ang CPP-NPA-NDFP, niyuyurakan nito ang karapatan ng mga sibilyan at inilalagay sila sa panganib.
Napopoot ang rebolusyonaryong mamamayan sa krimeng ito na pangatlo sa serye ng pamamaril ng AFP-PNP sa mga sibilyan ngayong buwan. Kabilang sa mga sibilyang biktima nito sina Kapitan Dante Yumanaw na walang awang pinatay ng 76th IB sa Brgy. Ligaya, Sablayan, Occidental Mindoro noong Hulyo 15 at isang menor-de-edad na namatay matapos mamaril ang 4th IB at PNP-SAF sa bahayan sa Sityo Tauga Daka, Brgy. San Vicente, Roxas, Oriental Mindoro noong Hulyo 3.