Abutin ang higit na malalaking tagumpay bitbit ang mga aral ng pag-aalsang EDSA
Ang taun-taong paggunita ng pag-aalsang EDSA ay hamon sa mamamayang Pilipino. Paalala ito na, bagamat napabagsak ang diktaduryang Marcos, nananatiling mga palamuti lamang ng nabubulok na estado ang ilang hibla ng demokrasyang pinatatamasa sa mamamayan. Tulad ng mga literal na palamuti, anumang oras ay maaaring bawiin, tanggalin at ibalik muli kailanman sang-ayon sa interes ng naghaharing-uri. Hanggat nananatili ang sistemang malapyudal at malakolonyal, hindi titigil ang naghaharing-uri sa pagpapatupad ng mga terorista at mapanupil na batas gaya ng Anti-Terrorism Act of 2020, ng Cybercrime Prevention Act of 2012, mga deklarasyon ng batas militar at iba pang mapaniil na atas upang lagi’t laging bawiin ang mga ipinanalo at ipinaglaban ng kilusang masa. Kailanman, hindi mapayapang bibitawan ng naghaharing-uri ang kanilang kapangyarihan at hindi nila i-aalok ang demokrasya sa mamamayan.
Ang tunay na demokrasya ay bunga ng buhay-at-kamatayang pagrerebolusyon at walang-kapagurang pagsisikap. Kailangan itong ipaglaban. Kapag nakamit, kailangan itong ipagtanggol mula sa mga naghaharing-uring gagawin ang lahat upang mabawi ito mula sa mamamayan. At tulad ng lahat ng mapagpalayang rebolusyon, kinakailangang mag-armas.
Obhetibong realidad, saanmang bahagi ng mundo, na taliwas sa interes ng naghaharing-uring ipatamasa sa masang inaapi’t pinagsasamantalahan ang demokrasya. Ang pananaig ng interes ng masang anakpawis ay katumbas ng pagliit ng kanilang kita, kapangyarihan at impluwensya. Walang pinagkaiba ang kapalaran ng mamamayan kung ang nasa poder ay isang lantarang diktador tulad ni Duterte o mga reaksyunaryong nagbabalatkayong progresibo tulad ng mga Aquino. Saksi ang masang Bikolano kung paano inabuso ng bawat pasistang administrasyon ang kapangyarihan nito upang yurakan ang kanilang mga karapatan. Sa huli, ang pinakamasahol na kaaway ng mamamayan ay hindi ang bagong mukha ng diktadura, kung hindi ang sistemang nagpapahintulot at nagbibigay ng pundasyon dito.
Ang inabot ng pag-aalsang EDSA ay pasilip lamang sa kung gaano pa kalalaking tagumpay ang kayang pagtagumpayan ng mamamayang Pilipino. Sa pamamagitan ng puspusang pakikibaka, darating ang araw na makahihinga na nang maluwag ang bawat isa dahil nabigyan na ng katarungan sina William Ombao, Luzviminda Dayandante, Albert Orlina, Ronnie Villamor, Jobert Bercasio at libu-libo pang biktima ng pasismo at panunupil ng estado. Na balang araw, makapagtatayo ng isang gubyerno ang mamamayang tunay na magsisilbi at magtatanggol sa kanilang mga interes.
Sa gabay at pamumuno ng Partido, katuwang ang kanilang Pulang hukbo at ang malawak na alyansa ng demokratiko at rebolusyonaryong pwersa, maraming kayang abutin at pagtagumpayan ang nagkakaisang hanay ng mamamayang Pilpino. Kaya, at kakayanin nitong ipanalo ang isang rebolusyong pamumunuan at isusulong ng masang anakpawis.