Aerial Bombing at Strafing sa Komunidad at mga Orkestradong Engkwentro, Bahagi ng Papasahol na Atake ng JTFB sa Masang Bikolano
Hindi maaaring palampasin ang papasahol na pang-aatake ng pwersa ng 83rd IBPA at Philippine Air Force sa ilalim ng 9th IDPA, katuwang ang iba pang ahensya sa ilalim ng Joint Task Force Bicolandia, laban sa masang Bikolano. Kahapon, napabalita naman ang kaso ng aerial bombing at strafing sa mga komunidad ng Brgy. Lidong, Caramoan na nagresulta sa pagkabulabog at sapilitang paglikas ng humigit-kumulang 200 pamilya. Muli nilang pinalalabas na mayroong engkwentro sa pagitan ng kanilang pwersa at yunit ng NPA gayong wala namang yunit ng NPA sa pinagbobomba at pinaulanan ng balang lugar.
Ito ang sadyang nakababahala sa mga operasyong militar ng 9th IDPA at JTFB sa kanilang pagpapatupad ng MO 32 at EO 70. Desperado na sila sa pagwawasiwas ng karahasan upang maging tuntungan ng militaristang paghahari at brasuhin ang mga lokal na gubyerno na sumunod sa balangkas ng pasistang diktadura sukat ang kasuhan at tugisin ang mga sibilyang walang kinalaman sa CPP-NPA-NDF. Handa silang pagbanggain maging ang kanilang sariling pwersa para lamang palabasing may ibinubunga ang kanilang kampanya laban sa rebolusyonaryong kilusan at gatungan ang kanilang linilikhang larawan ng kaguluhan sa rehiyon.
Ngayon naman, sa kanilang paghahanda para sa engrandeng pagsalubong sa pulong ng Regional Development Council at Regional Peace and Order Council upang buuhin ang Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa Agosto 19-20, gumagamit na sila ng mga sadyang mapangwasak na pamamaraan na walang pagtatangi sa sinuman ang maging biktima at palabasing NPA ang sanhi ng mga kaguluhan. Nagngangalit ang masang Bikolano sa kaliwa’t kanang kaso ng paglabag sa karapatang-tao at ekstra-hudisyal na pamamaslang ng mga elemento ng estado. Sukdulan na ang laglagan ng bomba at walang habas na paulanan ng bala ng masinggan mula sa helikopter, ganoon din ang pagpapasabog ng mga granada ng mga M203 at sadyang pagpapaputok ng mga armalite ng isang kumpanya ng 83rd IB sa naturang lugar na hindi kalayuan sa isang komunidad na wala namang yunit ng NPA. Matapos nito, nais pa nilang pagmukhaing mangmang ang masa sa pagpapalabas na magbibigay sila ng mabilis na ayuda na para bang sila pa ang tagapagligtas at dakila sa mata ng mga binomba nilang residente at diumano’y limang sugatan sa panig ng BHB.
Nananawagan ang NDF-Bikol sa mga lokal na yunit ng gubyerno, kagawad ng midya, tagapagtaguyod ng karapatang-tao, taong-simbahan, internasyunal na komunidad at lahat ng progresibo at makabayang pwersa na magkaisa at labanan ang papasahol na pang-aatake ng JTFB sa rehiyon. Hindi maaaring ipagkibit-balikat ang naturang insidente ng pambobomba sa tabing ng mga orkestradong engkwentro dahil magsisilbi itong sukatan ng militar kung hanggang saan nila maaaring isagad ang kanilang pasismo at terorismo laban sa mamamayan. Napakadali na para sa kanila na gawin atrasan ang ganitong kasinungalingan at palabasin na lamang na mayroong nakasagupang NPA bilang pagbibigay-matwid sa anumang tindi ng pandarahas nila sa masang Bikolano. Dapat gawin ng masang Bikolano ang lahat upang matuldukan na ang pananalasa ng JTFB at biguin ang kontra-mamamayang gera ng rehimeng US-Duterte.