AFP-PNP, nasa frontline ng pagtugis sa NPA, hindi ng Covid-19–NPA-ST
Malaking kasinungalingan ang itinatambol ng mga alipures ni Duterte na kabilang umano ang AFP at PNP sa frontline ng mga lumalaban sa Covid-19. Ang totoo, ginagamit lamang ng AFP at PNP ang diumano’y operasyon sa paglaban sa Covid-19 bilang tabing sa kanilang patuloy at walang puknat na pagtugis at paghahanap sa mga yunit ng NPA sa kabila ito ng kanilang pagdedeklara ng unilateral ceasefire. Samakatwid, hindi laban sa kampanya kontra-Covid-19 ang tunay na pakay kundi ang patuloy na paglulunsad ng madugong gera kontra-mamamayan na JCP-Kapanatagan sa ilalim ng EO 70 at NTF-ELCAC ng rehimeng US-Duterte.
Simula pa lamang, peke ang deklarasyong unilateral ceasefire ng rehimeng US-Duterte. Ginamit lamang ni Duterte na oportunidad ang krisis ng Covid-19 upang paigtingin ang panunupil sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan. Sa mismong bibig ng AFP-PNP nanggagaling ang kawalang paggalang at pagtalima sa panawagan ng UN para sa isang pandaigdigang ceasefire upang maharap ng buong mundo ang pandemyang dulot ng Covid-19. Inamin mismo nila ang paglulunsad ng mga pag-atake sa NPA sa tuwing natutunugan ang presensya nito. Ipinahayag ni Gen. Arnulfo Marcelo Burgos Jr. ng 2nd ID na hindi sila magdadalawang-isip na atakehin ang mga yunit ng NPA hangga’t nakikita nilang patuloy na banta ito sa estado ng naghaharing malalaking kumprador-asendero at burukratang kapitalista.
Sa panahong saklaw ng tigil-putukan ng GRP mula Marso 19, sinaklaw ng mga FMO-RCSPO ng AFP-PNP ang 24 na probinsya sa buong bansa. Hinalihaw nila ang 146 barangay sa 80 bayan at syudad sa Pilipinas. Sa Timog Katagalugan, sinaklaw ng AFP-PNP ang 19 na bayan sa Quezon, Rizal, Laguna, Mindoro Oriental, Mindoro Occidental at Palawan. Nagresulta ito ng 3 labanan sa kabuuang 10 naitalang sagupaan sa pagitan ng AFP-PNP at NPA sa buong bansa. Ang mga ito ay patunay na hindi kailanman interes ng AFP-PNP na tumugon sa nagaganap na krisis pangkalusugan sa bansa ni makipagkaisa para matulungan ang mamamayan na labanan ang pandemya ng Covid-19.
Gaano man pabanguhin ang imahen ng AFP at PNP bilang nasa unahan diumano ng paglaban sa Covid-19, batid ng mamamayan ang kasuklam-suklam na rekord nito. Nasa frontline ang AFP at PNP sa mga pag-abuso at panggigipit sa mga mamamayan sa mga itinatayo nitong tsekpoynt. Nasa frontline sila sa paghaharang ng mga pagkain at kargamento para hindi makapasok sa Kamaynilaan at mga sentro ng komersyo. Nasa frontline sila sa pangongotong at pagdakip sa mga diumano’y lumalabag sa curfew at lockdown. Nasa frontline sila sa paglabag sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan at pagsupil sa mapayapang pagpaparating ng karaingan ng mga mamamayang nagugutom. Ito ang tunay na imahen ng AFP at PNP. Nasa frontline sila ng pagpapatupad ng kautusan ng pasistang si Duterte na barilin at patayin (shoot them dead) ang sinumang lalabag sa kautusang lockdown.
Kasuklam-suklam ang kanilang pandarahas at pananakot sa bayan sa harap ng paglaganap ng Covid-19. Sila ang malupit na tagapagpatupad ng rehimeng US-Duterte sa militaristang lockdown kung saan ginigipit nila ang nagugutom na mamamayan. Sa Timog Katagalugan, naitala ang mga kaso ng food blockade at hamletting sa ilang panig ng rehiyon. Sa mga tsekpoynt, naiulat ang mga kaso ng pangongotong at pang-aabuso sa mga magsasaka na nagbibyahe ng produktong bukid upang makapaghanapbuhay sa gitna ng lockdown. Kinukubabawan nila ang sibilyang otoridad sa mga barangay para “tiyaking hindi lumalabas ang mamamayan sa kanilang mga tahanan.”
Sa kabilang banda, ang mga yunit ng NPA sa iba’t ibang panig ng bansa ay matapat at taos-pusong naglilingkod sa mamamayan at katuwang ng malawak na masa, lalo sa kanayunan, para labanan ang Covid-19. Ang NPA ang nasa prontera ng kampanya laban sa Covid-19 at pangunahing sineserbisyuhan nito ang mga baryo at pamayanang inabandona na ng reaksyunaryong gubyerno. Katuwang ang mga lokal na organong pampulitika ng mamamayan sa mga larangang gerilya, isinusulong nila ang kampanyang edukasyon, pangkalusugan at sanitasyon upang maiwasan ang Covid-19.
Samantala, nais magpaalala ng MGC – NPA ST sa mga alagad ng media na maging mapanuri sa mga inilalabas na pekeng balita ng AFP-PNP. Maging responsable sa pagsawata sa pagpapakalat ng fake news lalo’t batid na ng buong bayan at ng inyong hanay ang mahabang rekord ng kasinungalingang pinalalaganap ng AFP-PNP at ng rehimeng US-Duterte. Bilang alagad ng responsableng pagbabalita, hinihikayat namin kayo na mag-alam at kunin ang dalawang mukha ng kwento sa likod ng mga balita. Hinihikayat namin kayong magsiyasat sa mga pinangyarihan ng labanan at sa mga liblib na komunidad na sinasalanta ng mga operasyong militar ng AFP-PNP upang masaksihan ang tunay na kalagayan ng mamamayan sa ilalim ng militaristang lockdown ng rehimen.
At sa huli, dapat na itigil ng mersenaryong AFP-PNP ang kanilang patuloy na mga operasyong militar at pagtuya sa sariling deklarasyon nito ng unilateral ceasefire sa mga NPA. Mas makabubuting manatili sila sa kanilang mga baraks upang hindi na makapagpalaganap pa ng mas nakamamatay na karahasan nito laban sa mamamayan. Ang pagsugpo sa Covid-19 ay isang usaping medikal at hindi sa pamamagitan ng militaristang paraan. Wala sa kamay ng mga militar at pulis ang ipaghihilom ng karamdamang dulot ng Covid-19. Kailangang higit na magkaisa ang mamamayan upang igiit ang mas mataas na atensyong medikal para sa lahat at subsidyo lalo sa mga apektado ang kabuhayan dulot ng lockdown policy.