Agunyas sa mamamayan ng berdugong si Duterte
Mga agunyas – banta ng kamatayan, ang lahat ng deklarasyong lumalabas sa bibig ng berdugong si Duterte. Mga bantang walang mintis niyang ipinatutupad sa pamamagitan ng mga kampanyang kontra-droga, batas tulad ng Anti-Terrorism Act at mga kautusang tulad ng MO32 at EO70. Pinakabagong agunyas ni Duterte ang deklarasyon ng paggamit ng militar para sa nalalapit na pambansang eleksyon.
Simula’t sapul, tinitiyak ng mga unipormadong sentensyador at tagabitay na galamay ng diktador ang paghahasik ng terorismo sa mga komunidad sa pamamagitan ng Retooled Community Service Program (RCSP), Focused Military Operations (FMO) at Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (SACLEO). Sa karanasan ng Bikol ang mga kautusang ito ang nagdulot ng walang puknat na karahasan at terorismo laban sa mga Bikolano. Magmula nang maupo sa pwesto si Duterte, libu-libo na ang mga kaso ng paglabag sa karapatan sa rehiyon. Nagbunga ito ng 204 biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang, 11 kaso ng masaker na may 38 biktima.
Sa Kabikulan, isa sa mga prubinsyang parating pinauulanan ng mababagsik na agunyas ni Duterte ay ang Masbate. Laganap ang karahasan ng estado sa prubinsya laluna tuwing sasapit ang panahon ng eleksyon at hindi maawat ang ribalan ng mga tradisyunal na burukrata. Talamak ang lantarang pagsasabwatan ng mga pulitiko at mga upisyal ng AFP-PNP-CAFGU na may sarili ring interes na makuha ang pinapangarap na mga pusisyon sa kani-kanilang kinapapaloobang ahensya.
Ngayon, hindi pa man nakapaghahain ang mga pulitiko ng kani-kanilang mga kandidatura, matagal nang ipinag-utos ni Duterte na paigtingin ang presensya ng militar at pulis sa prubinsya. Sinasaklaw ito ngayon ng ilang kumpanya ng 31st IBPA, 22nd IBPA at buong tropa ng 2nd IBPA. Nasa ilalim din ng kumand ng 903rd IBde ng militar ang tropa ng pulis, ang 9th SAF Bn, RMFB at mga PMFC, na nakadeploy din sa prubinsya.
Sa kabuuhan, gumamit ng halos 1,400 tauhan ang AFP at PNP upang maghalihaw ng mga komunidad sa pamamagitan ng RCSP at FMO mula Abril hanggang Hunyo ngayong taon. Sa buong rehiyon, ang Masbate ang may pinakamataas na naitalang bilang ng biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang na umabot sa 79 habang may pitong masaker na may 23 biktima.
Ang walang habas na pamamaslang sa ngalan ng kultura ng kasakiman sa kapangyarihan ay higit pang pinalulubha ni Duterte sa kanyang desperasyong mangunyapit sa pwesto. Ito ang tiyak na magpapaigting ng karahasan sa darating pang mga araw. Asahang habang nagpapatuloy ang pag-iral ng mga pasistang kautusan, kampanya at mga batas na siyang agunyas para sa mamamayan ng mamamatay taong si Duterte, higit pang tataas ang tantos ng terorismo ng estado sa rehiyon.
Dapat lamang kumilos na ang nagngangalit na mamamayang Bikolano. Dapat silang bumaha sa kalsada at labanan ang karahasan ng teroristang estado. Higit dito, wasto lamang na humawak sila ng armas upang higit na palakasin ang rebolusyonaryong kilusang siyang mapabagsak sa sistemang malapyudal at malakolonyal kasabay ng bwakaw sa kapangyarihang si Duterte at kanyang mga galamay. Lulunurin ng mga kalembang ng kampana ng paglaban at putok ng riple ng mamamayan ang agunyas at mga banta ng mamamatay-taong rehimen.