Aksyong militar ng NPA sa Timog Katagalugan, pagtatanggol sa kalikasan at mamamayan
Pinapaabot ng Melito Glor Command – NPA Southern Tagalog ang pinakamataas na pulang saludo sa mga yunit ng Narciso Antazo-Aramil Command – NPA Rizal, Bienvenido Vallever Command – NPA Palawan at Apolonio Mendoza Command sa kanilang matagumpay na aksyong militar upang ipagtanggol ang mamamayan sa pandarahas at pagsasamantala ng rehimeng US-Duterte.
Pinarusahan ng NAAC – NPA Rizal ang Monte Rock Corporation, isang kumpanya sa pagmimina ng bato (quarry) noong Augosto 2, ganap na 4:40 ng hapon sa San Mateo, Rizal. Sa nasabing pamamarusa, winasak ang 8 dump trucks, 4 na backhoe, 2 bulldozer, 2 payloader, upisina at imbakan ng gasolina at krudo. Nakumpiska rin ng NPA ang 2 riple, 3 pistol at limang radio transceiver. Tinatayang nagkakahalaga ang pinsala sa humigit-kumulang sa 100 milyon piso. Sa pamamagitan ng pinsalang ito, tiniyak ng NAAC-NPA na hindi na muling makapag-opereyt pa ang mapangwasak sa kapaligiran at perwisyong quarry operation ng nasabing kumpanya.
Ang Monte Rock Corporation ay matagal nang inirereklamo ng mamamayan dahil sa mapaminsalang epekto nito sa kabuhayan at kalikasan. Kasalukuyang dinaranas ng mamamayan ng Rizal at Metro Manila ang pinsala dito dulot ng walang humpay na pag-ulan na nagresulta sa mga pagbaha at pagguho ng lupa. Liban pa rito, upang tuluyang makapag-opereyt ang naturang kumpanya, kinamkam nila ang lupain ng mamamayan sa lugar.
Samantala, isang matagumpay na operasyong isparo ang isinagawa ng BVC – NPA Palawan sa isang notorious na pulis na nangingikil sa mga maralitang magsasaka noong Agosto 11 bandang 4:58 ng hapon sa San Vicente. Nakumpiska rito ang isang glock pistol.
Sa lalawigan ng Quezon, isa namang matagumpay na sniping operation ang inilunsad ng isang yunit ng Apolonio Mendoza Command, NPA-Quezon sa Cagsi-ay II, Mauban noong Agosto 13 ng hapon laban sa tropa ng 1st IBPA habang pauwi mula sa operasyon. Isang elemento ng 1st IBPA ang nasapol at napatay sa nasabng sniping operation.
Ang tuluy-tuloy na opensibang militar ng mga yunit ng NPA sa ilalim ng MGC – NPA Southern Tagalog ay pasubali sa pinangalandakang pagpasok ng NPA sa rehiyon sa lokalisadong peace talks ng AFP-PNP kasabwat ang LGU. Pinatunayan nitong hindi kayang pahinain ng reaksyunaryong estado ang Bagong Hukbong Bayan sa rehiyon sa loob ng 3-6 na buwang timetable.
Nanawagan ang MGC sa lahat ng yunit ng NPA sa ilalim nito na ipagpatuloy ang paglilingkod at pagtatanggol sa interes ng mamamayan laban sa malalaki at dambuhalang korporasyon ng mina na lubhang pumipinsala sa kalikasan, buhay at ari-arian ng taumbayan. Gayundin laban sa lahat ng kaaway ng mamamayan na nang-aapi at nagpapahirap sa kanila tulad ng dayuhan at lokal na mangangamkam ng lupa, mandarambong sa kabang yaman ng bayan, malalaking sindikato ng droga at mga mersenaryong AFP-PNP na nandarahas at lumalabag sa kanilang karapatang pantao. Sa pamamagitan nito bigyan ng katarungan ang mga mamamayang biktima ng inhustisya sa ilalim ng pasistang rehimeng US-Duterte. ###
Press Statement
August 13, 2018
Reference Person: Jaime “Ka Diego” Padilla, Tagapagsalita,
Melito Glor Command, New People’s Army – Southern Tagalog