Aksyong pamamarusa sa pasilidad ng mga Robes, tagumpay ng mga Rizaleño!

,

Tagumpay na isinagawa ng Narciso Antazo Aramil Command (NAAC-NPA-Rizal) ang reyd sa mga baraks ng armadong goons ng panginoong maylupa at mangangamkam ng lupa na si Arturo Robes sa Brgy. San Isidro, Rodriguez noong Setyembre 27, ganap na alas-5 ng hapon. Giniba ng isang yunit ng NAAC ang naturang baraks at ang gate na humaharang sa malayang pagkilos ng taumbaryo sa lugar. Sinira rin nila ang mga kagamitang ginagamit sa pagdedemolis ng mga tirahan ng mga masa sa erya. Nakakumpiska rin ng baril at mga bala sa nasabing aksyong pamamarusa.

Matagal nang inirereklamo ng mamamayan ng Rodriguez ang pangangamkam ng lupa ng pamilyang Robes sa Bundok ng Balagbag. Matatagpuan ang bundok sa hangganan ng Rodriguez, Rizal at San Jose del Monte, Bulacan na estratehiko para sa planong ekoturismo ng mga Robes. Tatabó ng malaking kitá ang mga Robes sa mga papasok na turista mula sa mga karatig-bayan at sa NCR. Para maangkin ang humigit-kumulang 880 ektaryang saklaw na lupain at mapalayas ang nasa 150 pamilya sa nasabing lugar, ginamit ng mga Robes ang armadong goons nito na kilala bilang POSO. Sa pangunguna ng mga bayarang lider nito na mas kilala sa alyas na Erning at Reymond, tuluy-tuloy ang pananakot na kanilang ginagawa sa mga masa sa pamamagitan ng panunutok at aktwal na pagpapaputok ng baril. Nagmistulang siga ang mga ito na nagtayo ng gate at bakuran sa mismong kalsada at nangikil ng bayad mula sa mga karaniwang mamamayan at residenteng dumadaan dito.

Ang aksyong militar na inilunsad ng NAAC laban sa abusado at kaaway ng mamamayan na si Arturo Robes ay babala na rin sa iba pang mga panginoong maylupang walang-awang nagpapalayas at nangangamkam ng lupa ng mga magsasaka sa lalawigan ng Rizal. Hindi papayagan ng NAAC ang walang-habas na pagpasok ng malalaking kapitalista para sa development projects na kanilang ipinapakana para tustusan ang mga ganid nilang interes sa kapinsalaan ng mga maralitang magsasaka. Hindi kami mangingiming gawaran ng parusa ang mga kumpanya, panginoong maylupa at malalaking kapitalista na hindi pumapailalim sa patakaran at polisiya ng Demokratikong Gobyernong Bayan at magsasamantala sa mamamayan.

Malaking sampal din ang matagumpay na aksyong ito sa mamamatay-tao na 80th Infantry Battalion ng Philippine Army (80th IBPA) at sa panay-satsat na National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Tugon ito ng NAAC sa malisosyong deklarasyon ng 80th IBPA at NTF-ELCAC na ‘cleared’ na ang buong lalawigan ng Rizal mula sa impluwensya ng Partido Komunista ng Pilipinas at NPA. Laging mabibigo ang lahat ng programa ng reaksyunaryong gobyerno na naglalayong ihiwalay ang nakikibakang masang anakpawis sa sinasandigan nitong rebolusyunaryong kilusan. Bunga ang matagumpay na aksyong ito ng hindi napapatid na pagkakaisa ng masa at ng kanyang tunay na hukbo, ang NPA.

Laging handa ang NAAC-NPA-Rizal na tugunan ang kahilingan ng masa at parusahan ang sinumang sasagka sa malayang pamumuhay at paghahanapbuhay ng mga Rizaleño.

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang sambayanang lumalaban!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!

Aksyong pamamarusa sa pasilidad ng mga Robes, tagumpay ng mga Rizaleño!