Albayano, Itulak ang Pinakamalawak na Kilusang Masa sa Pagharap at Pagbangon sa Sakuna! Ilunsad ang mga Protestang Masa Laban sa Nagpapatuloy na Hagupit ng Supermega Typhoon Duterte!
Inaatasan ng Santos Binamera Command – Bagong Hukbong Bayan Albay ang lahat ng nakapailalim ditong yunit ng Hukbo na i-mobilisa ang mga Pulang mandirigma upang magbigay ng tuwirang pagtulong at sustenableng pagsuporta higit sa mga komunidad at eryang hindi pa naaabot ng ating pag-oorganisa. Mariin nating ipatupad ang mga sumusunod na hakbanging suporta at tulong sa mga komunidad ng magsasakang sinalanta ng sunud-sunod na mga sakuna:
- Pangunahan ang kagyat na pag-oorganisa ng mga kilusang tulungan sa pagtitipon ng mga pangangailangang emergency at relief (inumin, pagkain, gulayin at gamot) at rehabilitasyon ng mga nasirang kabahayan. Magkaloob din ng mga asistensyang psychosocial kasabay ng mga programang pangkabuhayan at pangkalusugan sa gitna ng nagpapatuloy pang pandemyang COVID 19;
- Pangunahan ang pag-oorganisa ng mga kilusang bungkalan o produksyon at konstruksyon ng mga agarang masisilungan higit sa mga lupaing nakatiwangwang, pampubliko at yaong mga niremata na ng bangko;
- Pangunahan ang iba pang mga anti-pyudal na pagkilos mula sa paggiit na gamitin ang lupain ng panginoong maylupa para taniman at tuluyan ng magsasaka, pagpapataas ng parte ng magsasaka’t tenante sa ani, pagpapaliban ng mga utang mula sa usurero’t bangko;
- Paglulunsad ng mga kampanyang edukasyon kaugnay sa pag-unawa sa peligro ng kalamidad, diwa ng sama-samang pagkilos, kahandaan at responsibilidad ng bawat mamamayan sa panahon ng sakuna. Dapat sa kanilang ipatimo ang kanilang karapatang igiit ang makabuluhan at sustenableng suporta at ayuda. Gayundin, dapat nilang masapol ang pananagutan ng estado sa pangunguna ng rehimeng Duterte sa pagpapabaya nito sa interes ng mamamayan pabor sa interes ng dayuhan at lokal na mga negosyong wumawasak sa ating kapaligiran. Dapat rin sa kanilang ipabatid ang programa ng Pambansa-Demokratikong Rebolusyon kaugnay sa pagharap sa mga sakuna’t kalamidad na nakabatay sa tunay na reporma sa lupa at pag-unlad ng kanayunan;
- Paunlarin ang mga kilusan sa paghahanda sa ilan pang bagyong inaasahang tatama sa bansa bago matapos ang taong 2020.
Asahan nating gagamitin ng militar na tabing ang disaster response sa kanilang pang-aatake sa mga yunit ng BHB. Kaugnay nito, dapat panatilihin ng mga yunit ng Hukbo ang pag-iingat at pagiging alerto.
Sa mga eryang may nakatindig nang organisasyon, inaatasan din ang mga lokal na Sangay ng Partido at mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa kanayunan na pangunahan ang mga kampanya at kilusang masa para itaguyod ang sustenido at pangmatagalang suporta sa kani-kanilang komunidad. Maaari silang maglunsad ng mga kampanyang luyuhan, pagtipon ng mga gulayin at inumin at iba pang pangangailangan, community kitchen, at mga nakakatindig-sa-sariling proyektong pangkagalingan at pangkabuhayan ng komunidad. Mahusay kung makapagbuo ng mga community volunteers mula sa mga lugar na hindi lubusang napuruhan ng bagyo bilang mangungunang kwerpo ng tutulong sa mga karatig nilang baryo. Higit rito, dapat nilang itulak ang kanilang mga kababaryo na magsagawa ng mga pagkilos upang igiit ang nararapat na suporta at ayuda. Sa kalagayang nakalaan na ang pondo ng gubyerno para sa malawakang korupsyong kailangan ni Duterte sa darating na halalan, huwag nating asahan ang tuluy-tuloy at tunay na suporta mula sa pamahalaan.
Sa sama-samang paglaban at pagkilos pinakamabisang makakabangon. Walang ibang bayaning maaasahan sa panahong ito kundi ang sarili nating pagkakaisa. Sa daluyong ng nagkakaisang hanay ng masang Albayano lamang epektibong maigigiit ang karapatan sa makabuluhan at pangmatagalang ayuda at suporta. Karapatan nating singilin ang estado sa pagkakait nito ng libre, ligtas at disenteng serbisyong panlipunan mula tirahan, inuming tubig, pagamutan, kuryente at iba pang pampublikong pasilidad at serbisyo. Sa kanayunan, dapat nating singilin ang makabuluhang suportang agrikultura higit at ang masang magsasaka’t mangingisda ang pinakanaapektuhan ng mga nagdaang sakuna.
Higit rito, makatwiran ang mag-alsa at magprotesta upang panagutin at isakdal ang megabagyong si Duterte sa paglagay sa bansa sa higit pang masahol na kalagayan. Tahasan niyang pinabayaan at pinahirapan ang mamamayan bunga ng kanyang kapit-tukong pagpapatupad ng mga patakarang pabor sa dayuhan at lokal na negosyo. Bunga nito, higit pang nawalan ng kakayanan ang mamamayan na harapin at pangibabawan ang matitinding sakuna’t kalamidad na sinasapit ng bansa. Ang patung-patong nang epekto ng krisis na dati nang pasan ng masang Albayano ay higit pang pinabigat ng pabayang pagtugon ni Duterte sa pandemya at mga patakarang tulad ng Rice Tarrification Law, Build Build Build at TRAIN Law na ibayong wumasak sa kanilang kabuhayan. Isa pa ang Albay sa naging sentro ng mga pinakamapaminsalang bagyo ngayong taon.
Taliwas sa ipinagmayabang ni Duterte na reporma sa lupa, higit pa niyang pinabayaan ang kanayunan pabor sa mga proyektong mapangwasak sa kalikasan at mapaminsala sa buhay ng mamamayan. Ekta-ektaryang sakahan, kagubatan at kakahuyan ang inubos pabor sa pang-kapitalistang Build, Build, Build. Sa basbas ni Duterte, punung-puno ang Bicol Regional Development Plan ng malalaking operasyong mina, malalapad na kalsadang pangnegosyo, proyektong ekoturismo at logging concessions. Subalit wala sa mga pahina ng BRDP ang anumang kongkretong pagtugon sa pangangailangang pabahay at suportang agrikultura ng masa sa panahong may kalamidad. Anong epekto nito? Paulit-ulit na pagiging bulnerable ng mga komunidad ng magsasaka mahina man o malakas na ihip ng bagyo.
Nasaan ang ipinagmamayabang na bilyun-bilyong pondong inutang ni Duterte at bakit nag-aalangan siya ngayong magdeklara ng state of calamity? Wala sa mga LGU na naubusan at nagmamakaawa nang mapunuan ang kanilang badyet sa kalamidad. Wala sa mga magsasaka at manggagawang inutang pa nga sa gubyerno ang katiting nilang pangonsumo. Nasaan? Naroon at pinagpapartihan nina Sara Duterte, Bong Go, at sampu ng mga kroning burukrata at upisyal militar ni Duterte sa isang engrandeng kampanyang pangungurakot para sa halalang 2022. Naroon sa mga malalaking negosyanteng nagpapakasarap sa kanilang mansyong hindi pinapasok ng bagyo. Naroon at ginagamit para sa hungkag na pagpapalakas ng militar at higit pang hungkag na pakanang kontrainsurhensya at pagdurog sa NPA. Naroon at ginagamit para patayin, dahasin at pasukuin ang mga sibilyan sa ilalim ng walang katuturan at madugong gera kontra-mamamayan.
Hindi matutumbasan ng iilang minutong palabas at pasikat na aerial inspection ni Duterte, sampu ng kanyang mga kasapakat ang napakaraming taong kakailanganin upang makabawi ang masa sa epekto ng sakuna. Hindi matatabunan ng buhos ng mga pang-eleksyon at pang-ilang araw na ayuda at relief ang kawalan nila ng intensyong ibigay sa mamamayan ang tunay na landas ng rekoberi’t pagbangon. Inamin mismo ng Phil. Coconut Authority Bicol na walang nakahandang pondong ayuda sa mga magkokopra. Ito ay sa harap ng inaasahang limang taong pagbagsak ng sektor ng niyog. Masahol, sa matagal na panahong nakakapagkopra ang magsasaka ay ipinagkait nilang pataasin ang presyo ng naturang produkto. Ilang taon din ang gugugulin ng sektor ng palay, mais at abaka. Halos milyong Albayano ang maghihintay ng napakahabang panahon para lamang magkaroon muli ng disenteng tirahan.
Ipantapat natin sa unos at krisis na pinasahol ng rehimeng Duterte ang daluyong ng paglaban ng nagkakaisang kilusang masang Albayano. Masisilungan at masusulingan nila ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka bilang solusyon sa tunay na panlipunang pagbabago at pag-unlad. Hangad ng rebolusyong iahon sa kronikong kahirapan ang masa sa pamamagitan ng pinakademokratikong at pinakamakabayang solusyon: lutasin ang problema ng magsasaka sa lupa at palayain ang bansa sa imperyalistang paghahari at lokal nitong kaakibat na pyudal na pagsasamantala. #