Alert Level 3, ipinatupad sa Quezon
Muling ibinalik sa alert level 3 ang lalawigan ng Quezon bunsod ng tuloy-tuloy na pagdami ng COVID-19 sa lalawigan.
Ayon sa inilabas na Eexecutive Oorder Nno. 2 ni Gov. Danilo Suarez, ipapatupad ang alert level 3 mula Enero 14 hanggang Enero 31 taong kasalukuyan dulot ng hindi maampat na pagtaas ng bilang ng COVID-19 sa lalawigan at bansa.
Sa kasalukuyan, ayon sa Quezon Public Information Office noong Enero 13, 5PM, umabot na sa 193 ang bagong kaso ng COVID-19 na may kabuuang bilang na 29, 038 confirmed cases, 1, 488 ang namatay at 1, 092 na aktibong kaso sa buong lalawigan.
Naitala naman sa bayan ng Sariaya ang pinakamaraming aktibong kaso na may kabuang bilang na 115 kaso at sinundan ng bayan ng Pagbilao na may 114 kaso.
Samantala, nagpapaalala naman si Ka Cleo del Mundo, tagapagsalita ng Apolonio Mendoza Command-New People’s Army na kailangang bantayan hindi lamang ang masang populasyon sa pagpapatupad ng minimum health protocols.
“Bukod sa laging dapat nasa unahan ng ating mga tungkulin ang pagsilbihan ang kapakanan ng mamamayan, kailangang ding bantayan ang mga lokal na pulitiko at mga naghahangad na manungkulan sa lalawigan sa mga posibleng gawing paglabag nito sa ipinatutupad na minimum health protocols lalo’t ilang buwan na lamang ay sasapit na ang Eleksyon 2022. Siguradong ang malalaking pagtitipon ng nagriribalang Suarez at Tan ang magiging mimitsa mga ng superspreader events ng COVID-19 na lalong magpapakita na sekundaryo lamang ang kagalingan ng mamamayan sa pag-aagawan sa kapangyarihang pampulitika,” ani del Mundo.
Sa pagpasok pa lamang ng taon, napabalita na ang libuo-libong pagtitipon ng mga Suarez at Tan sa mga nasasakupan nito para ibida ang kanilang mga pangako at plataporma-de-gobyerno sa lalawigan na isa sa mga posibleng dahilan ng pagdami ng kaso ng COvid-19 sa lalawigan.
Diniinan din ni del Mundo na sa panahon ng pandemya mas kailangang ilaan ng Sangguniang Panlalawigan at Gobyerno ng Pilipinas ang pinakamalaking pansin at pondo para sa sektor ng kalusugan.
“Nananawagan kami sa mga Quezonin at mga lider-makabayan sa lalawigan na gawin ang lahat ng makakaya at buong tapang na labanan ang mga imbing pakana na gamitin ang pondo ng lalawigan at bansa para sa militarisasyon at eleksyon 2022. Kailangang kuondenahin ang inutil at makupad-pa-sa-pagong na pagpapatupad ng programa sa pagbabakuna, kakapusan ng pondo at serbisyo para sa mga doktor at nars, kawalan ng libreng mass testing, at kamay-na-bakal sa mamamayan sa mga hindi pa nagpapabakuna.”#